‘Cyber hygiene’, panlaban sa masasamang banta online
- BULGAR

- Feb 3, 2025
- 1 min read
by Info @Editorial | Feb. 3, 2025

Isinusulong ngayon ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pagkatuto ng ‘cyber hygiene’, hindi lamang ng publiko kundi lalo na sa mga kabataan. Ito’y upang mas maging maingat sa mga ginagawa online na pinangangambahang may dalang panganib.
Ang cyber hygiene ay hindi lamang technical skill kundi ito’y maituturing din na isang life skill na importanteng maituro sa kabataan.
Sa makabagong panahon, hindi na maikakaila ang malawakang epekto ng teknolohiya sa ating buhay. Halos bawat aspeto ng ating araw-araw na gawain ay konektado sa internet, at ang mga kabataan ang isa sa mga pinakamaagang nahuhubog sa digital na mundo.
Sa kabila ng mga benepisyo ng internet, tulad ng pagpapadali ng komunikasyon, pag-access sa impormasyon at pagkakaroon ng mga oportunidad sa edukasyon, dumarami rin ang mga panganib na dulot nito. Kasama na ang cyberbullying, identity theft, samu’t saring scam at iba pang mga online threat.
Ang mga magulang, guro, at iba pang mga nasa komunidad ay may malaking papel sa pagtuturo ng mga basic na hakbang sa cyber hygiene.
Turuan ang mga kabataan na mag-isip ng password, huwag basta-basta magbigay ng personal na impormasyon online at maging maingat sa pakikisalamuha sa mga tao sa internet.
Hindi sapat na magkaroon lamang sila ng mga kasanayan, kailangan din nilang maunawaan ang kahalagahan ng pagiging responsable at maingat sa bawat kilos sa cyberspace.



Comments