top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Curry, James, Tatum at Beal, nangalabaw sa team

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 5, 2021
2 min read

Updated: Jan 9, 2021

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 5, 2021





Nagtala ng makasaysayang 62 puntos si Stephen Curry upang buhatin ang Golden State Warriors sa 137-122 na pagwagi kontra sa bisitang Portland Trailblazers kahapon sa Chase Center sa pagpapatuloy ng NBA. Ito na ang pinakamaraming nagawa ni Curry sa kanyang karera at nilampasan ang dating marka na 54 na naitala noong Pebrero 27, 2013 laban sa New York Knicks.


Ipinasok ni Curry ang 18 ng kanyang 31 tira na may kasamang walong tres at isa lang ang mintis sa kanyang 19 free throw sa 36 minuto. Tinulungan siya nina Andrew Wiggins at Kelly Oubre na may 21 at 17 puntos at ipantay ang kanilang kartada sa 3-3 panalo-talo.


Uminit ang defending champion Los Angeles Lakers sa fourth quarter upang mabigo ang Memphis Grizzlies, 108-94, at kinailangan ang tulong ng L.A. Clippers upang umakyat sa liderato ng Western Conference. Lamang ng 1 puntos ang Lakers, 76-75, at nagtrabaho si LeBron James para sa 13 ng kanyang 22 puntos habang nagtapos na may 17 puntos si Anthony Davis.


Pinalubog ng Clippers ang dating solong liderato na Phoenix Suns, 112-107, para tumabla Sa Lakers sa 5-2. Lumayo ang Clippers noong 2nd quarter, 60-29, subalit unti-unting humabol ang Suns pero pinigil ito ng 39 puntos ni Paul George, 15 galing kay Kawhi Leonard at ang pang-diin na tres ni Nicolas Batum para itakda sa 110-94 ang iskor at 11 segundo sa orasan.


Sinalba ni Jayson Tatum ang Boston Celtics sa kanilang 122-120 na panalo sa Detroit Pistons. Ipinasok ni Tatum ang 2 puntos na may 2.9 segundo sa orasan upang lumamang at agad sinundan ng pagtapal sa tres ni Blake Griffin nang mag-buzzer upang umangat ang Celtics sa 4-3.


Tinapos ni Tatum ang laro na may 24 puntos, 8 rebound at 12 assist para hindi masayang ang 31 puntos ni Jaylen Brown buhat sa limang tres. Nakaganti ang Celtics sa kanilang 93-96 na talo sa Pistons noong Enero 1 sa parehong lugar


Sa isa pang mahigpit na laban, isinalpak ni sentro Thomas Bryant ang dunk na may 14 segundo sa orasan at matapos ang timeout ay nagmintis sina Kyrie Irving at Kevin Durant upang makatakas ang Washington Wizards sa Brooklyn Nets, 123-122. Kumuha ng lakas ang Wizards kay Bradley Beal na may 27 puntos at 10 rebound at ang nagbabalik na si Russell Westbrook na may 24 puntos at 10 assist.


Nanaig ang Chicago Bulls sa Dallas Mavericks, 118-108. Hindi ginamit ni Coach Rick Carlisle ng Mavs si Luka Doncic at nag-piyesta ang Bulls sa likod nina Zach LaVine na may 39 puntos at Coby White na may dagdag 23 puntos.


Naging madali ang 130-109 na tagumpay ng Utah Jazz sa San Antonio Spurs. Namuno sa Jazz sina Bojan Bogdanovic na may 28 puntos at Donovan Mitchell na may 22 puntos habang nag-ambag ng 18 puntos si kabayan Jordan Clarkson.


Naitala ng Denver Nuggets ang kanilang pangalawang panalo sa liga at binigo ang Minnesota Timberwolves, 124-109. Hindi napigil ang mainit na shooting ni Jamal Murray na gumawa ng 36 puntos at nag-triple double si Nikola Jokic na 19 puntos, 12 rebound at 12 assist.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page