Curry, Harris, Williamson at Tatum, nambutata
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 16, 2021

Habang tumatagal ay lalong humuhusay si Stephen Curry at sa kanyang ika-33 na kaarawan kahapon ay binuhat niya ang Golden State Warriors sa 131-119 na panalo vs. numero unong Utah Jazz sa Chase Center. Saglit lang nakatikim ang Jazz ng lamang sa first quarter at mula roon ay walang nakapigil sa mainit na shooting ng Warriors.
Pumukol si Curry ng anim na tres para sa 32 puntos at sinundan ni Andrew Wiggins na may 28 habang. Numero uno pa rin ang Jazz (28-10) sa buong NBA habang tuloy ang laban ng Warriors (20-19) na makapasok sa playoffs ngayong Mayo.
Nakamit ng Philadephia 76ers ang ika-5 sunod na panalo matapos tambakan ang bisitang San Antonio Spurs, 134-99. Nanguna sina Tobias Harris at Seth Curry na may 23 at 21 puntos. Sabay ng talo ng Jazz, hindi nakuha ng Los Angeles Clippers ang pagkakataon na makalapit at tinambakan sila ng New Orleans Pelicans, 135-115. Naglabas ng lakas si All-Star Zion Williamson sa 27 puntos.
Patuloy ang mainit na laro ng tambalang All-Star na sina Jayson Tatum at Jaylen Brown at binuhat nila ang Boston Celtics laban sa Houston Rockets, 134-107. Namuno si Brown na may 24 at Tatum na may 23. Walang-kabang ipinasok ng minsan dumalaw sa Pilipinas na si Ricky Rubio ang walong free throw sa loob ng huling 30 segundo upang ipanalo ang kulelat sa buong NBA na Minnesota Timberwolves sa Portland Trail Blazers, 114-112.
Humabol sa 12 puntos ang Oklahoma City Thunder sa fourth quarter upang mabigo ang Memphis Grizzlies, 128-122. Nanguna muli si Shai Gilgeous-Alexander na may 30 puntos habang nagtala ang 19-anyos na rookie na si Aleksej Pokusevski ng 23 puntos. Panalo ang Atlanta Hawks sa Cleveland Cavaliers, 100-82 at manatiling perpekto sa limang laro ngayong buwan. Bumida sina John Collins na may 22 puntos at 12 rebound at Danilo Gallinari na may 20.
Nakatikim ng panalo ang Chicago Bulls sa Toronto Raptors, 118-95. Nanguna si rookie Patrick Williams na may 23 puntos. Nagwagi muli ang Miami Heat sa Orlando Magic, 102-97, sa likod ng 29 puntos ni Jimmy Butler at 22 ni Tyler Herro.





Comments