Crush sa work, makakatuluyan kahit torpe
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 25, 2022
Dear Maestro,
Isa akong casual employee at hindi ko alam kung mare-regular ako rito. Mare-regular ba ako? Gusto ko na kasi ang trabaho ko ngayon, gayundin ang environment dito at isa pa, may crush ako na officemate ko rin.
Darating ba ang panahong liligawan niya ako? Mahiyain kasi siya, pero madalas ko siyang nahuhuling nakatingin sa akin. Kapag ba palaging tinitingnan ng lalaki ang isang babae, ibig sabihin ba nu’n ay may crush siya sa babae? Hindi ko kasi sure kung ano ang nararamdaman niya sa akin dahil bihira naman kaming magkausap, bagkus ay nagbabatian lang kami tuwing magkakasalubong sa hallway.
Siya na ba ang magiging first boyfriend ko kahit hindi naman siya kumikibo o nakikipag-usap sa akin? Sa pagkakaalam ko, wala pa rin siyang girlfriend hanggang ngayon. April 5, 1996 ang birthday ko, habang November 25, 1994 naman ang birthday ng lalaking tinutukoy ko.
Umaasa,
Carol ng Bagbag, Novaliches, Quezon City
Dear Carol,
Kung tutuusin, wala ka namang problema kahit sabihin pa nating torpe at mahiyain ang kasalukuyan mong crush, ang mabuting balita ay nagsasabing, ang zodiac sign mong Aries at zodiac sign niyang Sagittarius ay tugma o compatible. Ibig sabihin, kapwa kayo nagtataglay ng elementong fire o apoy. Ayon sa Western Astrology, hangga’t pareho ng elemento ang dalawang zodiac sign, compatible talaga sila.
Ang mas nakakatuwa pa rito, bukod sa compatible kayo sa zodiac sign, pansinin din ang birth date mong singko (5) ay destiny number naman ng crush mo. Naging 5 ang destiny number ng crush mo dahil ang birthday niyang November 25, 1994 ay ganito kinokompyut: 11+25+19994=2030/ 20+30=50/ 5+0=5.
Habang, ang birth date naman niyang 25 o 7 (ang 25 ay 2+5=7) ay nagkataon namang destiny number mo. Nangyaring 7 ang destiny number mo dahil ang iyong birthday na April 5, 1998 ay kinokompyut nang ganito: 4+5+1996=1996/ 2005/ 20+05=25/ 2+5=7.
Sa madaling salita, tugma talaga kayo ng torpe at tahimik mong crush, kaya kahit na may pagka-mahiyain siya at ayaw magsalita, kung saan tila iniisip mo na hindi ka niya kayang kausapin at ligawan, sigurado namang darating ang panahon na tadhana ang kusang kikilos at gagawa ng paraan upang kayo ay maging close sa isa’t isa. Kapag dumating ang sandaling ‘yun, wala kayong dapat gawin kundi sunggaban ang nasabing pagkakataon upang kayong dalawa ay maging magkaibigan at makabuo ng maligaya at panghabambuhay na relasyon.
Hinggil naman sa tanong mo kung mare-regular ka sa kasalukuyan mong trabaho, positibo ang tugon — hangga’t pula, gray, silver o green ang kulay ng logo ng inyong kumpanya, favorable at suwerte sa iyo ang nasabing mga kulay, kaya sa naturang kumpanya ka tiyak na magiging regular at habambuhay na magiging maligaya.
Samantala, ayon sa iyong Career at Love Calendar, sa taong kasalukuyan, partikular sa buwan ng Oktubre hanggang Disyembre at sa edad mong 26 pataas, habang nag-aamoy Pasko na ang simoy ng hangin, halos sabay na darating sa iyo ang suwerte, kung saan mare-regular ka sa trabaho at suwerteng may kaugnayan sa love life – magiging boyfriend mo na ang mahiyain mong crush, hanggang sa makabuo kayo ng nakakakilig at masayang relasyon na panghabambuhay na.




Comments