top of page
Search
  • BULGAR

Crush na naging close friend, makakatuluyan

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| June 22, 2022


Dear Maestro,


Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil may nais akong malaman sa compatibility. Gusto kong malaman kung compatible ba ang birthday na March 22, 1997 at December 13, 1996?


Ganito ang sitwasyon namin — may crush ako na December 13, 1996 ang birthday, pero hindi ko inaasahan na mapapansin niya ako. Alam n’yo, kung saan-saan na ako nakarating, pero pagbalik ko sa bayan namin, nakapagtatakang naging close friends kami nang masaktan siya sa best friend ko.


Akala ko noon, ang crush ay paghanga lamang na nawawala rin, pero nang maging close kami, parang mas tumindi ang nararamdaman ko sa kanya. Tapos ngayon, sobrang bait niya sa akin at hindi ko alam kung may nararamdaman din siya sa akin dahil hindi naman niya sinasabi.


Maestro, compatible ba kami o magiging kami ba at ano ang mangyayari sa special friendship naming ito? Nalilito ako dahil kapag kasama ko siya ay masaya ako na parang kinakabahan.


Umaasa,

Marianne ng ng Banlic, Cabuyao, Laguna


Dear Marianne,


Ayon sa birthday mong March 22, 1997 at zodiac sign na Aries at December 13, 1996 naman ang tinutukoy mong lalaki, kung saan siya ay Sagittarius, ang mga naturang zodiac signs ay may iisang elementong tinataglay — ang elementong fire o apoy. Dahil dito, siguradong mauuwi ang kasalukuyan n’yong pagkakaibigan sa nakakakilig, matimyas at masarap na relasyon.


Ganundin sa Numerology, tugma at compatible kayo (dahil ang birth date mong 22 ay 2+2=4 at ang birth date niyang 13 ay 1+3=4), dahil kapwa kayo pinaghaharian ng numerong kuwatro (4) kaya talagang tugma kayo.


Masasabi ring habang tumatagal ang inyong friendship, lalo naman kayong masasarapan — sarap na pang-emosyunal na hindi kayang ilarawan ng anumang salita. Hanggang ang sarap na dulot ng total compatibility sa Numerology at Astrology ay walang duda na mauuwi na rin sa maligaya at panghabambuhay na relasyon.


Sa ganu’ng paraan, makukumpirma ang katotohanan ng teorya ng compatibility sa panahong ang magkasuyo ay totohanan at sukdulan nang nag-iibigan. Parang tubig, uhaw na uhaw ka sa kanya at ganundin siya sa iyo. Dahil nagmamahalan kayo at ang pagkauhaw na ‘yun emotionally at spiritually, sa bawat araw na hindi mo siya nakakausap o nakikita at sa bawat sandali na kinasasabikan n’yo ang isa’t isa, matitidhay lamang ng isang basong hindi lang matamis kundi napakasarap na pag-ibig na hahantong sa maligaya at panghabambuhay nang pagmamahalan.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page