COVID protocol sa kampanya, desisyon dapat ng DOH
@Editorial | February 18, 2022
Sa kabila ng panawagan ng mga kandidato na luwagan ang mga panuntunan sa kampanya sa gitna ng pademya, tutol naman dito ang pamunuan ng Department of Health.
Ilang political parties na ang umapela sa Comelec na payagan ang pakikipagkamay, pag-selfie at paghalik sa pisngi ng mga kandidato sa kasagsagan ng mga campaign rallies.
Gayunman, ayon sa DOH, dapat pahalagahan din ng publiko ang kanilang kaligtasan at dapat sa ngayon ay marunong na mamuhay sa gitna ng mga limitasyon na dulot ng global health crisis.
Bagama't una na ring sinabi ng Comelec na bukas sila sa posibilidad na pag-aralan ulit ang kanilang nauna nang inilabas na guidelines.
Batid nating sadyang mahirap talagang pigilan ang pagdagsa ng mga supporters sa mga isinasagawang campaign rally. Hindi rin makontrol na ang pagdumog sa mga kandidato bagay na labag na sa mga guidelines na ipinatutupad kontra-COVID-19.
Kung tutuluyan nga lang ng Comelec ang mga pasaway, mukhang lahat ng kandidato ay disqualified na.
Sa palagay natin, bukod sa Comelec, higit na dapat magdesisyon sa usaping ito ang DOH.
Sila na dapat ang maglatag ng mga bawal at puwede dahil sila naman ang nakaaalam kung ano ang mga posibleng mangyari 'pag naging mas maluwag ang COVID protocols.
Pakiusap naman sa mga kandidato at supporters, huwag masyadong magpakampante.
Kung hindi talaga uubra ang inihihirit na mas maluwag na panuntunan, huwag nang ipilit. Mag-isip na lang tayo ng ibang paraan na mas ligtas o hindi maglalagay sa alanganin sa buhay ng bawat isa.



Comments