"COVID-proof" na halalan
- BULGAR
- Apr 9, 2022
- 1 min read
@Editorial | April 9, 2022
Sa kabila ng nagpapatuloy na banta ng COVID-19, hindi maaaring matinag ang nalalapit na halalan.
Kaya naman bumuo ng “new normal” committee ang Commission on Elections (Comelec) na layuning gawing “COVID-proof” ang magaganap na eleksyon sa Mayo 9.
Sa pamamagitan ng nasabing komite, titiyakin umanong ligtas ang botohan kung saan, mahigpit na ipatutupad ang mga health protocols.
Batid naman natin na maaaring pagmulan ng superspreader event ang halalan. Kapag hindi ito napigilan, masasayang ang lahat ng sakripisyo at balik na naman sa paghihigpit at balik-bagsak ang ekonomiya imbes na unti-unti nang bumabangon.
Kaya sundin ang lahat ng ipatutupad na panuntunan, huwag nang pasaway.
Kabilang sa inaasahang hakbang para sa isang eleksyon na COVID-proof ay ang pagsasagawa ng public simulation ng botohan gamit ang isolation polling place na mag-a-accommodate sa mga botanteng may sintomas ng COVID-19.
Gagawa rin ang komisyon ng kanilang sariling medical advisory board, at magse-set up ng mga medical desks sa mga voting areas sa tulong ng mga health and medical groups.
Pakiusap din sa mga kandidato, plis lang, huwag nang gumawa ng eksena sa mismong botohan. Pagtapos n'yong bumoto, uwi na. Tama na 'yung mga panahon na dinudumog kayo sa kampanya kahit hindi naman dapat dahil nasa gitna pa tayo ng pandemya.
Kung sa ganyang sitwasyon ay hindi n'yo na kayang maging responsable, paano pa kaya 'pag kayo na ang nasa puwesto?



Comments