top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Sahod, dapat nakakasabay sa taas-presyo

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 18, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | July 18, 2023


Hindi bibitawan at patuloy na isusulong ang legislated nationwide across-the-board wage hike sa kabila ng pagpapatupad sa inaprubahang P40 minimum wage hike sa National Capital Region (NCR) ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ng Department of Labor and Employment (DOLE).


Ito ang pinaninindigan ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., kung saan makailang ulit na rin siyang nagsumite ng mga panukalang batas hinggil sa legislated wage increase.


At ngayong 19th Congress ay nagsumite si Revilla ng panukala kasama si Senate President Juan Miguel “Migz” F. Zubiri na naghain din ng kanyang sariling bersyon hinggil sa naturang panukala.


Paniwala ni Revilla, na isa sa mga araw na darating ay makukuha din natin ang tagumpay hinggil sa karagdagang sahod na dekada nang ipinaglalaban ng mga manggagawa.


Diin din ni Revilla na ang mga manggagawa ay ang backbone ng ekonomiya ng bansa, na kung hindi sa kanilang kasipagan at patityaga ay hindi aniya, uunlad ang mga negosyo na malaking tulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa.


Giit ng mambabatas, na kahit na ipinatupad na ang P40 wage hike sa Metro Manila, kulang na kulang pa rin ito sa pang-araw-araw na gastusin kaya marapat lamang na isulong ang P150 na dagdag sa sahod.


Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at iba pang mga bayarin, hindi talaga sasapat ang kakarampot na dagdag na ito sa kita ng bawat manggagawa.


Mainam ang panukalang ito na inihain para sa kapakinabangan ng mga manggagawa.


Malaking tulong ito hindi lang sa kanila kundi pati na rin sa kanilang mga pamilya sakaling maaprubahan at maisabatas.


Marahil, napapanahon na rin para pakinggan ang hinaing ng mga manggagawa na taas-taasan naman ang natatanggap na sahod upang lalo pang magsipag sa kanilang mga pinagtatrabahuhan.


Sa kinauukulan, sana ay pagtuunan ninyo ito ng pansin dahil marami ang umaasa na makakamit ang matagal nang inaasam-asam ng mga manggagawa para kahit paano ay maibsan ang hirap na dinaranas.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page