COVID ka lang, Pinoy kami!
@Editorial | December 02, 2021
Bago ang lahat, isang maligayang anibersaryo sa atin mga ka-BULGAR! Tatlong dekada na tayong “Boses ng Pinoy, Mata ng Bayan”, at marami pang taon ang ating pagsasamahan.
Dumaan man ang maraming pagbabago at pagsubok, mananatili tayong matatag at puno ng pag-asa na kayang-kaya nating bumangon, magsimula at bumawi.
Malaking bagay na likas sa ating mga Pinoy ang pagiging masayahin at malakas ang pananampalataya sa Diyos. Nagagawa nating ngumiti at tumawa anumang bagyo ang humagupit at kahit sabay-sabay pa ang krisis, tuloy lang, ‘ika nga, puwedeng mapagod, pero bawal at ayaw nating sumuko.
Ngayong nasa gitna naman tayo ng pandemya, talagang mas nasukat ang lahat sa atin — pananampalataya, katatagan, pasensiya, diskarte at pangarap. May mga halos bumigay na pero mas marami pa rin ang positibo ang pananaw sa buhay, ‘ika nga, COVID ka lang, Pinoy kami!
Sama-sama tayong bumangon noong nakaraang taon, ngayon naman ang panahon na sama-sama rin tayong aarangkada. Mag-focus tayo sa mga pangarap, layunin at magagandang bagay para sa ating pamilya.



Comments