COVID-19, tumaas na naman, ingat!
@Editorial | January 03 , 2021
Muli na namang tumaas ang kaso ng COVID-19.
Marami na naman kasi ang pasaway at naging kampante.
Todo-party, gala at dedma na sa mga ipinatutupad na panuntunan laban sa virus.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng Department of Health (DOH) na nakahanda na ang lahat ng mga pagamutan sa bansa sakaling muli na namang lumobo ang kaso ng COVID-19.
Mahigpit din umano ang ginagawang pagmo-monitor sa bilang ng mga nagpopositibo sa sakit.
Aminado rin ang pamunuan ng DOH na ang paglobo ng kaso ay dahil sa mga paggalaw ng mga tao ngayong Holiday at ang binawasang compliance ng minimum public health standard.
Nangangahulugan ito na mapapalaban na naman ang mga frontliners, lalo na ang mga health workers.
Huwag naman sanang bumalik ang malalang sitwasyon na kakailanganin na naman ng malawakang lockdown.
Tulad ng paalala sa mga alkalde, sakaling magkaroon ng pagtaas ng kaso sa inyong nasasakupan,
agad nang ipatupad ang granular lockdown bago pa kumalat ang COVID.
Pakiusap din sa publiko, utang na loob, huwag nang pasaway.
Nagpaparamdam na ang epekto ng pagpapabaya at pagiging kampante sa kabila ng banta ng COVID.
Aminin natin, marami ang talagang nakalimot. Sa sobrang kasabikan, tinodo ang pagpa-party.
Dedma na sa kung ano ang puwedeng mangyari.
Ngayon, tila aanihin na ang masamang epekto. Ang masaklap, lahat damay, pati ang mga disiplinado at responsable.
May iba na dahil bakunado, feeling safe na. Paulit-ulit na ipinaliliwanag ng kinauukulan, hindi ito lisensiya para maging pasaway sa gitna ng pandemya.
Sa ngayon, umasa tayong mabilis na makokontrol ang tumataas na kaso ng COVID. Hindi na natin kakayanin ang mas mahigpit na quarantine.
Ang hinahangad sana nating senaryo ngayong bagong taon ay tuluyang pagbangon at pagbawi mula sa pandemic at hindi ang muling pagbagsak. Sana, huwag naman tayong umabot sa ganu'n.



Comments