Hanggang Setyembre 30 – DepEd... Enrollment, extended

ni Lolet Abania | September 14, 2021

Nag-extend ang Department of Education (DepEd) ng kanilang enrollment period para sa school year 2021-2022.
Ito ang naging tugon ni DepEd Secretary Leonor Briones ngayong Martes sa ginanap na deliberasyon hinggil sa panukalang P630.8- billion budget para sa fiscal year 2022.
“We expect to match last year’s performance in enrollment. Since we are expecting... it’s a traditional practice to extend enrollment... and we are extending enrollment up to the end of the month of September,” ani Briones sa mga mambabatas.
Sa hiwalay na DepEd Order, nakasaad dito na pinalawig ang enrollment ng hanggang Setyembre 30, bilang konsiderasyon sa mga magulang at estudyante dahil sa kasalukuyang limitasyon at hirap ng sitwasyon dulot ng COVID-19 pandemic.
Naglabas naman ng direktiba ang DepEd sa lahat ng pampublikong paaralan na tanggapin pa rin ang mga late enrollees hanggang sa katapusan ng buwan kasabay ng pagsusumite ng modified enrollment at survey forms.
Ang mga pribadong eskuwelahan, state colleges at universities, kabilang ang local universities, kung saan sumunod din sa pagbubukas ng klase na itinakda ng DepEd, ay hinihikayat na tanggapin din ang mga huling mag-eenrol na estudyante hanggang sa ibinigay na extension date ng ahensiya.
Opisyal na nagsimula ang klase nitong Lunes, Setyembre 13, kung saan umabot sa kabuuang 25,582,224 milyong estudyante ang nakapag-enrol.





Comments