Mga tagapagpatupad ng batas, maging mabuting ehemplo at hindi no. 1 pasaway
@Editorial | June 16, 2021
Isang video ang viral ngayon online kung saan, naglalabas ng Ordinance Violation Receipts ang ilang pulis sa Quezon City dahil sa hindi pagsusuot ng face shield, pero sila rin ay walang suot nito.
Ito ay isang halimbawa na ang tagapagpatupad ng batas ay sila pang pasimuno sa paglabag.
Paano nga naman sila susundin o seseryosohin kung mismong sila ay nakikitang pasaway?
Kaya ang paalala sa kapulisan at sa iba pang tagapagpatupad ng mga panuntunan, magsilbing mabuting halimbawa sa publiko. Mas madaling magpatupad ng anumang regulasyon kung naipapakita nating dapat at mahalaga itong sundin.
Sa barangay lang, kung nakikita ng mamamayan na pakalat-kalat ang mga kaanak ni kap o ng mga kagawad, nagpa-party, gumagala, eh, bakit pa sila makikinig sa utos na huwag manahimik sa bahay? Kumbaga, hindi lang mga opisyal ang dapat na maging mabuting halimbawa kundi maging ang kanilang pamilya.
Patuloy din ang apela sa publiko sa kabila ng medyo mas maluwag na quarantine, palagi pa ring sumunod sa minimum health safety standard protocol.
‘Yung simpleng pagsusuot ng facemask at face shield ay napakalaking bagay na para makaiwas sa virus at iba pang sakit. Dapat tiyaking wasto ang pagkakasuot at hindi ‘yung nasa nakababa ang mask o nasa ulo ang shield, mali ‘yun, wa’ ‘wenta.
Ganundin ang palaging pag-obserba sa physical distancing. May mga pagkakataong talagang hindi maiwasan ang siksikan, kaya kahit man lang sa pagsusuot ng facemask at face shield ay may panlaban pa rin tayo.
Maunawaan sana nating ang pagpapatupad ng mga panuntunan laban sa COVID-19 ay hindi lang responsibilidad ng mga pulis o ng mga taga-gobyerno kundi ng bawat isa.



Comments