top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Compatibility, dahilan kaya ‘di dapat hiwalayan ang nambabaeng mister

BULGAR
Sep 28, 2022
3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| September 28, 2022

Dear Maestro,


Kapag ba hindi mo na mahal ang asawa mo, puwede mo na siyang iwanan? Nawala na kasi ang pagmamahal at tiwala ko sa kanya nang minsan niya akong niloko at nahuli ko siya na may ibang babae. Pero sabi niya, nagbago na siya at iniwan na niya ‘yung babae niya, pero hindi ako naniniwala.


Isa pang dahilan kaya gusto ko nang makipaghiwalay ay dahil hindi na bumalik ang tiwala ko sa kanya. Sa tuwing umuuwi siya nang gabi, iniisip ko na pumunta siya sa babae niya.


Masyado nang magulo ang isip ko ngayon at kapag nagtatalik kami ay hindi ako maligaya. Gusto ko na siyang iwanan para matahimik na ang isip ko at makahanap ako ng lugar, kung saan magiging payapa ang buhay ko at wala nang kung ano-anong bagay na gumugulo sa isip ko. At sana ay may matagpuan ako sa malayong lugar na ‘yun na makakasama ko at magpapaligaya sa akin na hindi na ako lolokohin pa.

Alam mo, Maestro, kapag nakikita ko siya simula nang nambabae siya, parang inis na inis ako sa kanya. ‘Yung pakiramdam na gusto kong sapakin ang mukha niya, pero hindi ko kayang gawin. Kung hindi dahil sa mga anak namin, matagal na akong nagpasya na layasan siya.


Sa palagay mo, Maestro, may patutunguhan pa ba ang relasyon naming o magiging maligaya pa bang muli ang aming pamilya tulad noong hindi pa niya ako niloloko at bagong kasal kami? Gayundin, maibabalik ko pa ba ang tiwala at pagmamahal ko sa kanya na ngayon ay wala na talaga? June 13, 1995 ang birthday ko, habang October 8, 1992 naman ang mister ko.


Umaasa,

Aubrey ng Duhat, Bocaue, Bulacan


Dear Aubrey,


Kapag nagsawa ka na sa isang gamit, puwede mo nang itapon at walang panghihinayang mo itong ihahagis sa basurahan. Ang halaman, kapag naaasar ka na dahil kay tagal na sa harapan ng bahay o bakuran pero hindi naman namumulaklak o namumunga, puwede mo nang putulin at palitan ng bago at mas magandang halaman. Pero ‘yung asawa, hindi puwedeng ituring na isang bagay na kapag sawa ka na ay itatapon na lang. Hindi rin siya puwedeng ituring na halaman kapag madawag na, pero hindi naman napapakinabangan ay bunutin mo na sa paso at papalitan ng bago.

Kumbaga, tao ang iyong asawa. Hindi lang tao, nagkataon ding siya ang ama ng mga anak mo, gayundin, pumayag ka at pinili mo siya nang humarap kayo sa altar at bendisyunan ng pari, kung saan kapwa kayo nangako sa harap ng Diyos, inyong mga pamilya at sa Batas ng Pilipinas na magsasama kayo habambuhay.


Ito ang dahilan kaya mahirap ang proseso ng legal na diborsyo o paghihiwalay ng mag-asawa sa ating bansa. Hindi lang kasi kayong dalawa ang nagpirmahan sa marriage contract kundi bukod sa mga ninong at ninang, naging “legal biding” na parang “legal business partnership transaction” ang inyong kasal. At sa araw na ‘yun, ang saya-saya ng lahat, walang tigil ang kalembang ng kampana, ang daming bisita at magarbo ang handaan.


Kaya kung hindi mo na mahal ang asawa mo o wala ka nang amor sa kanya tapos tatanungin mo kung puwede mo na ba siyang hiwalayan o iwanan kung hindi mo na siya mahal, direkta ang sagot — hindi mo siya puwedeng iwanan dahil kahit hindi mo na siya mahal, asawa mo pa rin siya sa batas ng tao at batas ng Diyos.


Buti na lang, nagkataong kahit paano ay tugma pa rin ang zodiac sign mong Gemini sa zodiac sign na Libra ng iyong asawa. Ang Libra at Gemini ay may iisang elementong tinataglay – ang elementong hangin o air. Ibig sabihin, kahit itulak mo pa siya papalayo sa iyo, babalik at babalik siya upang kayo pa rin ang magsama habambuhay.


Bukod sa compatible kayo sa Astrology, ang birth date mong 13 o 4 (ang 13 ay 1+3=4) at 8 naman ang iyong mister ang tumitiyak na maghiwalay man kayo, tadhana ang gagawa ng paraan upang muli kayong magkasama at magkabalikan.


Sa madaling salita, kung hindi mo na mahal ang iyong mister dahil nawala na ang tiwala mo sa kanya nang minsan siyang nambabae, pero sabi mo nga ay nagbago na siya, kailangang muli mo siyang pag-aralang mahalin at pagkatiwalaan muli. Sa ikalawang pagkakataon, hindi na para sa sarili mo kundi alang-alang sa iyong mga anak o pinahahalagahang kultura ng ating bansa, kung saan sobrang halaga sa ating mga Pilipino ang pamilya.


Kaya mas maganda na ipatupad mo pa rin sa inyong relasyon ang sinasabing, “Love is sweeter the second time around,” ngunit kung sa ikatlong pagkakataon ay nambabae siya – hindi ka na siguro masisisi ninuman kung ang mister mong paulit-ulit kang niloloko ay itapon, iwanan at tuluyan mo nang hiwalayan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page