Search
  • BULGAR

Columbus Crew, champ sa 2020 M-League Cup

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 14, 2020





May bagong kampeon na ang Major League Soccer (MLS) matapos magwagi ng Columbus Crew kontra sa bisita at defending champion Seattle Sounders, 3-0, sa MLS Cup Finals noong Linggo sa MAPFRE Stadium. Sinigurado ni midfielder Lucas Zelarayan ang ikalawang kampeonato sa kasaysayan ng prangkisa sa pamamagitan ng kanyang dalawang goal at isang assist at bigyan ng hindi makalimutang pagpaalam ang kanilang tahanan buhat pa noong 1999.


Unang ipinasok ng tubong Argentina na si Zelarayan ang bola sa ika-25 minuto galing sa mga pasa nina Harrison Afful at Aidan Morris. Hindi pa tapos si Zelarayan at siya naman ang nagbigay ng assist kay Derrick Etienne para dumoble ang kanilang lamang sa ika-31 minuto.


Tinuldukan ni Zelarayan ang kampeonato matapos ang kanyang pangalawang goal ng laro sa ika-82 minuto galing sa assist ni Luis Diaz. Ang unang MLS Cup ng Crew ay noong 2008 kung saan tinalo nila ang New York Red Bulls, 3-1, sa ngayon ay kilalang Dignity Health Sports Park sa Carson, California.


Nakatakdang lumipat ang Crew sa bagong tayong palaruan sa 2021 sa sentro mismo ng Columbus, Ohio. Plano pa rin nila gamitin ang MAPFRE bilang lugar ng kanilang ensayo.


Ang tagumpay ng Columbus sa MLS Cup ay tagumpay din ng buong liga kung saan nilampasan nila ang hamon ng COVID-19 upang mairaos nang maayos ang kanilang torneo. Matapos ipatigil ang mga laro noong Marso, nakabalik muli ang MLS sa pamamagitan ng bubble tournament sa ESPN Wide World of Sports sa Orlando, Florida mula Hulyo hanggang Agosto kung saan nagkampeon ang Portland Timbers.


Pagkatapos ng bubble ay bumalik at naglaro muli ang mga koponan sa kanilang mga tahanan subalit nagkaroon ng mga bagong kaso kaya napilitan ipagpaliban ang ilang mga laro. Hindi rin nakatulong ang utos ng pamahalaan ng Canada na isara ang kanilang bansa kaya napilitan ang tatlong koponang Canadian na maglaro muna kontra sa isa’t-isa.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.