Search
  • BULGAR

Class opening sa Agosto, dapat nga bang ituloy?

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | June 20, 2020


Nangalahati na ang buwan ng Hunyo. Alam naman natin — ito ang buwan ng pasukan sa eskuwela lalo na sa mga pampublikong paaralan. Pero dahil sa lockdown dulot ng COVID-19, wala munang magaganap na pisikal na klase ng mga bata at ipinagpaliban ang pormal na pagbubukas nito sa buwan ng Agosto.

Pero ang tanong, handa na nga ba tayo? Isusugal ba natin ang kalusugan ng mga anak natin sa Agosto?

Sa nakalap nating datos sa mga pagdinig na isinagawa ng committee on basic education, arts and culture sa Senado, nabatid na 10 milyong mag-aaral na ang nakapagparehistro para sa school year 2020-2021.

At dahil patuloy na naka-quarantine ang mga mag-aaral, magpapatupad ang Department of Education ng iba’t ibang learning resources tulad ng DepEd Commons website kung saan 8 milyong users na ang nakapagtala rito. Kasabay nito, ilulunsad din sa mga lugar kung saan mahina ang signal ng internet ang TV at radio-based learning base sa inilalahad ng RA 8375.

Base sa batas na ito, 15% ng mga programa sa radyo at telebisyon ang ilalaan sa mga programang edukasyonal para sa mga bata. Isasailalim din sa pagsasanay ang mga guro sa ganitong sistema simula sa susunod na buwan.

At kung may ganito na rin lang naman pala tayong sistemang ipatutupad, kailangan pa bang ituloy nagpagbubukas ng klase sa Agosto? Kung tayo ang tatanungin, dahil tatlo ang ating anak na nag-aaral, para sa atin ay hindi pa hinog ang panahon para bumalik sila sa eskuwela para sa pisikal na pagdalo sa klase. Kung kakayanin naman sa online education, bakit hindi?

Sa pagtatantiya natin, maaari sigurong sumulong na tayo sa face to face classes dakong Nobyembre o kaya ay sa Enero na nang susunod na taon. Sa mga panahong ‘yan, siguro naman ay masasabi nating kahit paano ay safe na.

Sabi ng iba, parang napakadali lang sabihin ng ‘online classes’ pero ‘yung kondisyon ng internet natin, mapurol. Paano nga naman makapag-aaral online ang mga bata kung buffering lang ang internet connection nila?

Sa pagkakataong ito, napakahalagang mapabilis ang implementasyon ng RA10929 o ang Free Internet Access in Public Places Act na nag-aatas sa public education institutions, state universities and colleges at sa TESDA technology institutions na magkaroon ng libreng Wi-Fi connections.

Sana ay maging maagap ang gobyerno pagdating sa edukasyon ngayong panahon ng pandemya. Isa ito sa mga pinakanaapektuhan. Lahat ng problema tungkol dito ay dapat maresolba na sa lalong madaling panahon.

Pero hinihiling ko rin sana na kung maaari, kung hindi pa tiyak ang kaligtasan ng ating mga anak para sa pisikal na klase, huwag munang ipilit ang class opening sa Agosto. Pag-isipan at paghandaan muna nating mabuti. Tiyakin nating walang panganib para sa ating mga anak.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.