Chubby na pangangatawan, dapat panatilihin ng mag-asawang ex-OFW para suwerte sa negosyo

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 24, 2020
Dear Maestro,
Pareho kaming OFW ng mister ko, pero mula nang nagka-COVID-19 pandemic ay pareho kaming napauwi sa Pilipinas, kaya ngayon ay magli-limang buwan na kaming walang hanapbuhay o pinagkakakitaan.
Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil nais kong malaman kung ano’ng negosyo ang bagay sa aming mag-asawa? Ano’ng mga paninda ang maaari naming ilako para magkaroon naman kami ng hanapbuhay o pinagkakakitaan habang hindi pa kami pinababalik ng employer namin sa ibayong-dagat? Gayundin, nais naming malaman kung may pag-asa ba kaming yumaman? December 8, 1979 ang birthday ko at May 17, 1972 naman ang birthday ng mister ko.
Umaasa,
Nelissa ng Calamias, Ibaan, Batangas
Dear Nelissa,
Alam mo bang mientras mataba ang hugis ng pangangatawan ng isang tao, lalo na’t babae ang nagmamay-ari ng katawan o mukha ay mas madali silang yumayaman kung ikukumpara sa mapapayat? Base sa picture na inilakip mo sa iyong e-mail, kapansin-pansin sa porma ng iyong pangangatawan na may pagka-chubby ka.
Ang isa pang ikinaganda nito, sinasabi ring mientras tumataba ang isang tao, unti-unti at dahan-dahan ding tumataba ang laman ng kanyang bulsa at umuunlad ang kanyang kabuhayan.
Sinasabi ring dalawa ang direct, pero unconscious na daluyan ng libido o energy ng matataba. Una, direktang nairaraos ito sa pagkikipagtalik at pangalawa, naiko-convert o naililipat ang enerhiyang ito sa gawaing may kaugnayan sa pagnenegosyo o pagpapayaman. Kaya naman kadalasan, mas nakakikita ka ng indibidwal na mayayaman na may matataba o chubby na pangangatawan.
Kaya kapag mataba ang isang tao, lalo na kung siya ay babae, ganundin sa isang lalaki, at nagawa niyang magnegosyo o magtinda ng karne at iba pang produktong nanggagaling sa laman ng hayop o sa hayop mismo, puwede ring groceries at iba pang basic needs ng tao, tiyak ang magaganap – basta’t kilos siya nang kilos, gigising ng madaling-araw, matutulog nang maaga at bago matulog ay magbibilang muna ng salaping napagbentahan. Kinabukasan ay ganu’n ulit – muling gigising ng madaling-araw para maayos at simulan ang pagtitinda, habang patuloy siyang tumataba, ito ay mga sure na indikasyong ang nasabing indibidwal ay patungo na sa direksiyon ng tiyak na pagyaman.
At kapag lagi siyang ganito, kumbaga, isa lang ang iniisip sa buhay tulad ng maagang paggising at pagbebenta, isinilang sila para magtinda at magbilang ng napagbentahan. Sa bandang huli, hindi nila napapansin na maunlad na pala ang kanilang negosyo at mayamang-mayaman na sila.
Ayon sa inyong birthdate, magandang subukan ang mga numerong 1, 7, 13, 26, 34, 40 at 41 sa anumang uri ng number games. Mapalad naman ang mga araw ng Sabado, Martes, at Miyerkules. Suwerte naman ang kulay na pula at berde para sa inyong mag-asawa. Habang, kusa namang iigting ang mabuting kapalaran sa Disyembre hanggang Enero, ganundin sa buwan ng Abril hanggang Mayo at sa buwan ng Agosto hanggang Setyembre.
Samantala, ang birthdate mong 8 at 17 naman ang mister mo kung saan kapwa kayo nagtataglay ng numerong otso (dahil 17 ay 1+17=8), basta't sundin n’yo ang mga rekomendasyong ito. Pagtuntong n’yo ng edad 52, tiyak ang maaganap, basta’t magsimula na kayong magnegosyo ngayon at panatilihin ang pagiging chubby ng inyong pangangatawan, sa edad na 52 ng mister mo sa 2024 at sa edad mo namang 52 pataas sa taong 2031, mayamang-mayaman na kayo.




Comments