Cayetano, ‘pag hindi naalis sa pagka-Speaker sa Nobyembre, alam na!
- BULGAR

- Aug 13, 2020
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 13, 2020
KAPAG SA NOBYEMBRE, SI CAYETANO PA RIN ANG SPEAKER, ALAM NA!—Pinabulaanan ni Speaker Alan Peter Cayetano ang kumakalat na balita na wala nang magaganap na term sharing nila sa pagka-Speaker ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at ang pananatili raw niya sa poder bilang House Speaker at regalo sa kanya ng Malacanang sa pagbasura ng Kongreso sa prangkisa ng ABS-CBN.
Ganu’n? Pwes, magkakaalaman ‘yan ngayong Nobyembre, na kapag hindi natanggal sa pagka-Speaker si Cayetano, eh... alam na! Period!
◘◘◘
INSTANT MILLIONAIRES SA PHILHEALTH, ‘YARI’ KAY P-DUTERTE—Ayon kay Sen. Bong Go, isa sa mga utos ni P-Duterte sa binuo nitong task force ay isailalim sa lifestyle check ang lahat ng opisyal ng PhilHealth, dahil dito malalaman kung sino ang mga “buwaya” sa ahensiyang ito.
Kaya’t kung sino sa mga PhilHealth officials ang naging instant millionaire, eh, tiyak ‘yan ang mga “yayariin” ng Pangulo, abangan!
◘◘◘
IATF OFFICIALS ANG SISIHIN, ‘WAG ANG MAMAMAYAN—Ang ‘iskrip’ ng mga DDS bloggers kapag naitatala ang mataas na bilang ng COVID-19 cases sa bansa, sisihin ang mga pasaway na mamamayan at ang paninising ito ay ikinakalat sa social media ng kanilang followers.
Sa totoo lang, hindi mamamayan ang dapat sisihin sa pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa bansa, kundi ang mga taga-IATF (Inter-Agency Task Force) dahil itinalaga sila ni P-Duterte para magtulung-tulong kung paano lalabanan ang deadly virus, pero “nganga” lang sila sa puwesto at walang inilalatag na malinaw na plano kung paano masasawata ang pananalasa nito sa bansa, period!
◘◘◘
‘PASTOR PACMAN’, PARANG SIRANG PLAKA NA SINASABING NASA BIBLE ANG DEATH PENALTY—Pinagsabihan ng CBCP (Catholic Bishops Conference of the Philippines) si Sen. Manny Pacquiao, na huwag nitong ginagamit ang Bible para lang maisulong ang parusang kamatayan sa bansa.
Hay naku, ang dami namang magandang-aral na nilalaman ang Bible, pero si ‘Pastor Pacman’, parang sirang plaka, na paulit-ulit sinasabing nakasaad sa Bible na puwedeng pumatay ng tao sa pamamagitan ng death penalty, ‘susmaryosep!





Comments