top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Cavaliers, Spurs, Magic at Hawks, lumider na rin

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 28, 2020
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 28, 2020





Sumosyo sa maagang liderato ng 2020-2021 National Basketball Association (NBA) ang Cleveland Cavaliers, San Antonio Spurs, Orlando Magic, Atlanta Hawks, Indiana Pacers at Philadelphia 76ers matapos maitala ang kanilang ikalawang sunod na panalo noong Linggo ng umaga. Buhay na buhay ang diwa ng Pasko at patuloy ang paghatid saya ng mga koponan sa kanilang mga tagahanga habang umagaw ang pansin ang Oklahoma City Thunder sa kanilang makapigil-hiningang 109-107 lusot sa Charlotte Hornets.


Namayani si Shai Gilgeous-Alexander ng Thunder at ipinasok ang pinakamahalagang buslo mula sa 22 talampakan na may 1.4 segundong nalalabi sa orasan. Bago noon, itinabla ng tres ni Miles Bridges ng Hornets ang laban, 107-107, at agad tumawag ng timeout ang Thunder para paghandaan ang huling 10 segundo.


Binuhay ni Gilgeous-Alexander ang Thunder sa likod ng kanyang 24 puntos, 7 rebound at 9 na assist at sinundan siya ni George Hill na may 21 puntos. Hindi nakalaro ang Thunder laban sa Houston Rockets noong Disyembre 23 matapos magpositibo ang tatlong manlalaro ng Rockets.


Naagaw ng Spurs ang lamang sa Toronto Raptors matapos ang buslo ni LaMarcus Aldridge na may 29 segundo pa at sinundan ng tig-dalawang paniguradong free throw nina Rudy Gay at Keldon Johnson para biguin ang Toronto Raptors, 119-114. Ginawa ni DeMar DeRozan ang 10 sunod-sunod sa kanyang kabuuang 27 puntos upang makalapit ang Spurs, 113-114, bago ang buslo ni Aldridge.


Nagpasabog ng 12 walang sagot na puntos ang Cavaliers upang simulan ang pangalawang overtime at tuluyang iligpit ang Detroit Pistons, 128-119. Apat na Cavs ang gumawa ng higit 20 puntos na sina Collin Sexton na may 32, Andre Drummond na may 23, Cedi Osman na may 22 at Darius Garland na may 21.


Nagtala ng bihirang triple-double si Domantas Sabonis ng Pacers na 23 puntos, 10 rebound at 11 assists sa kanilang pagtumba sa Chicago Bulls, 125-109. Namuno sa Pacers si TJ Warren na may 23 at 22 rin ang ginawa ni Victor Oladipo.


Sa iba pang laro, ipinasok ni DeAndre Hunter ang limang sunod-sunod na puntos upang lumamang at maging susi sa 122-112 panalo ng Hawks sa Memphis Grizzlies. Nanguna para sa Hawks si Trae Young na may 36 puntos at 9 na assist.


Uminit si sentro Nikola Vucevic sa 4th quarter sa kanyang 13 puntos sa 4th quarter upang umarangkada palayo ang Magic sa Washington Wizards, 130-120. Nagtapos si Vucevic na may 22 puntos at 17 rebound upang tulungan sina Terrence Ross na nagbagsak ng 25 puntos at Markelle Fultz na may 21 puntos.


Dinomina ng bumibisitang 76ers ang New York Knicks 109-89. Gumawa ng double-double si Joel Embiid na 27 puntos at 10 rebound at malaki ang ambag nina Seth Curry at Tobias Harris na parehong may tig-17 puntos.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page