Casual, job order na gov't. employee, na may 'k' maging regular, push na!
@Editorial | August 9, 2022
Marami ang natuwa sa isinusulong na magkaroon na ng pagkakataon ang mga "casual" o "contractual" na empleyadong matagal nang naninilbihan sa gobyerno na maging regular, na may karapatan sa mga karampatang benepisyo.
Ito ay sa pamamagitan ng Senate Bill 234, na nagbibigay ng civil service eligibility sa mga casual at contractual na nakaabot ng hindi bababa sa limang taon sa serbisyo.
Tinaya ng Civil Service Commission na 660,390 sa 2.4 milyong empleyado sa gobyerno noong 2017 (27%) ang "job order" o "contract of service" ang status. Karamihan ay hindi ma-regular dahil hindi sila civil service eligible.
Kung maaaprubahan ang nasabing panukala, ang mga casual o contractual na empleyadong nakasilbi sa gobyerno nang hindi bababa sa limang taon at nasa first level career civil service positions sa clerical, trades at custodial service ay magiging regular na. Pero dapat walang pending administrative case at hindi na-convict sa krimeng may kinalaman sa "moral turpitude, disgraceful o immoral conduct, dishonesty, examination irregularity, drunkenness or addiction to drugs". Hindi rin dapat dishonorably discharged sa military service o dismissed for cause sa anumang civilian position sa gobyerno ang naturang empleyado.
Hindi maitatangging marami sa ating mga empleyado sa gobyerno ang talagang karapat-dapat na mabigyan ng mas mataas na sahod at dagdag-benepisyo. Sila 'yung mga masisipag at tapat sa tungkulin, mga totoong public servant.
Sana, mabigyan sila ng pagkakataon at umaasa tayo na para sa mga karapat-dapat lang ang panukalang ito.
Umaasa rin tayo na magiging mas maaasahan ang ating gobyerno dahil ang mga bumubuo nito ay mga matatalino, masisipag, disiplinado at tapat sa serbisyo.



Comments