Cash-for-work, seryosohin
- BULGAR

- Jul 31, 2024
- 1 min read
by Info @Editorial | July 31, 2024

Pagtapos ng bagyo, balik-kayod naman.
Gayunman, para sa mga grabeng nasalanta, hindi ganu’n kadaling makabalik sa trabaho lalo na kung ang pinapasukan ay matinding napinsala at napilitang magtigil-operasyon.
Kaugnay nito, may programa ang gobyerno na pansamantalang magbibigay ng trabaho sa mga biktima o ang tinatawag na cash-for-work.
Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pangangasiwa sa probisyon ng temporary employment sa ilalim ng CFW noong Sabado, kung saan tinanggap ang unang batch ng 100 benepisyaryo para sa pansamantalang trabaho na sinundan din ng panibagong batch.
Sa ilalim ng programa, tumutulong ang mga benepisyaryo na mag-repack ng family food packs (FFPs) sa National Resource Operations Center.
Matatandaang ito rin ang programa na binubuksan sa mga biktima ng iba pang kalamidad. May pagkakataon na ang trabahong ibinibigay ay ang paglilinis. Bagama’t may mga nakakapuna na tila hindi sineseryoso ng iba ang ginagawa, basta lang makahawak ng walis at makapagpa-picture, ayos na.
Ang isa pa sa reklamo, hindi umano nabibigyan ng pagkakataon ang mga higit na nangangailangan.
Kung hindi makakapasok ang lahat, sana ay maging mas maingat sa pagpili. Hindi lang para sa cash-for-work kundi maging sa iba pang programa ng gobyerno. Maibigay sana ang ayuda sa mga mas nangangailangan.



Comments