Campaign period magsisimula na, bilihan ng boto, aarangkada na rin, tsk!
@Editorial | February 06, 2022
Opisyal nang magsisimula ang campaign period sa Pebrero 8.
Kaugnay nito, nagpaalala na ang Commission on Elections (Comelec) na ipinagbabawal ang anumang uri ng pangunguha ng boto.
Kabilang umano ang mga pa-raffle ng mga kandidato sa pamamagitan ng social media.
Ganundin umano ang pagbibigay ng ‘assistance’ o anumang may halaga sa mga botante.
Ayon pa sa Comelec, maaaring sabihin ng mga kandidato na ito’y tulong at walang hinihinging kapalit, pero ‘ika nga, hindi naman tayo ipinanganak kahapon.
Gayunman, hindi sapat na batid lang natin na may nagaganap o magaganap na vote-buying, kailangang may complainant.
Kaya hinihikayat ng Comelec ang publiko na maghain ng reklamo kapag may nasaksihang pagbili ng boto sa kanilang lugar.
Sa totoo lang, sa tagal ng panahon na tayo’y nagsasagawa ng halalan, halos nasa sistema na talaga ang bilihan ng boto. Lamang ang mga kandidatong may pera o makinarya dahil nagiging mas maingay ang kanilang kandidatura. Sabayan pa ng pamumudmod ng pera sa publiko.
Ang tanong, saan o kanino galing ang perang ginagamit sa kampanya? Ano naman kaya ang motibo?
Kaya ang panawagan sa mga botante, maging matalino at huwag kalimutan si ‘konsensiya’ alang-alang sa kinabukasan ng ating mga anak.



Comments