Bumabaha na naman ng ilegal na droga, nakupo!
@Editorial | October 24, 2021
Bumabaha na naman ng illegal na droga.
Walang katapusan ang mga buy-bust operations at milyun-milyon ang nasasabat. Mula sa mga bigtime pusher hanggang sa mga tulak sa gilid-gilid, talagang namamayagpag.
Kabilang pa sa mga nahuhuli ay mga nag-aambisyong pumasok sa pulitika. Ano na lang ang mangyayari sa bayan kung ang mga tulad nila ang mananalo? Kung hindi mismong supplier, protektor naman ng mga drug lords.
Samantala, kaugnay naman ng mga isyu sa drug operations, may isinasagawang pagre-review ang Department of Justice (DoJ) na nakasentro umano sa mga drug cases na kinasasangkutan ng mga pulis sa Visayas, Mindanao, Bicol at National Capital Region (NCR).
Nasa 6,000 drug-related cases ang nakatakdang i-review ng DoJ para malaman kung ang mga pulis na sangkot sa drug operation ay lumabag sa standard protocols.
Kasunod ito ng mga panawagang magsagawa ng imbestigasyon sa sinasabing ‘mass killings’ sa mga drug suspects mula nang nagsimula ang kasalukuyang administrasyon.
Nagpahayag na rin umano ang Philippine National Police (PNP) ng kanilang kagustuhang makipag-cooperate sa review.
Sa pamamagitan nito, magiging malinaw, lalo na sa pamilya ng mga namatay kung ano ang tunay na nangyari.
Kaya nga napakahalaga ng mga CCTV sa paligid at ang body camera sa mga awtoridad. ‘Ika nga, hindi nagsisinungaling ang ebidensiya.
Sana, tuluyan na ring mawala ang salot na ilegal na droga. Napakaraming buhay ang winawasak nito.
Mas mabigat na parusa ang dapat na ipataw sa mga sangkot sa illegall drugs at hindi ang pagbubuhay-hari o reyna sa selda.



Comments