Bumababang kaso ng COVID, ‘di dahilan para magpabaya
@Editorial | November 28, 2021
Sa kabila ng bumababang kaso ng COVID-19, patuloy ang panawagan sa lahat na mag-ingat at huwag magpakampante.
Nanawagan din ang mga eksperto na panatilihin ang Alert Level 2 hanggang Enero, sa gitna naman ng banta ng COVID-19 Omicron variant.
Sa pamamagitan umano nito ay mas mapaghahandaan at mas mako-contain ang posibleng pagpasok ng Omicron na una nang nadiskubre sa South Africa.
Mas mainam nang naghahanda kesa mabulaga at hindi na makontrol ang sitwasyon.
‘Ika nga ng Department of Health, bagama’t mababa na ang mga naitatalong bagong kaso ng COVID sa mga nagdaang araw, posibleng mabaligtad ito kung hindi susunod sa public health and safety protocols.
Kaya anumang pagluluwag na ipatupad, kailangang sumunod at huwag nang matigas ang ulo.
Kapag sinabing bawal, huwag nang ipilit. ‘Pag sinabi namang puwede, ‘wag namang umabuso.
Ang simpleng pagsusuot ng facemask ay napakalaking bagay na para mapigilan ang pagkalat ng virus, dagdagan pa ng pag-iwas sa matataong lugar, mas lumiliit ang panganib na kumalat ang sakit.
Sikapin natin na maging mas ligtas at mas masaya ang Kapaskuhan at ang pagpasok ng bagong taon.
Huwag natin hayaang maulit na naman ang mga nangyari sa mga nagdaang taon. Tama na ang mga sakripisyo at paghihirap. Panahon na para bumangon at bumawi.



Comments