Bumaba na ang Covid-19 cases, pasaway nabawasan, ayos!
@Editorial | October 21, 2021
Kasabay ng pagluluwag, nilinaw naman ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na bumaba ang bilang ng mga nasisitang paglabag sa health protocol, partikular sa unang araw ng pagpapatupad ng Alert Level 3 sa Metro Manila.
May naitalang 9,190 na paglabag sa pagitan ng Oktubre 16 hanggang 19, na kung ikukumpara sa 30-days na Alert Level 4, mula September 16 hanggang October 15, na ang average ay 10,000.
Ayon pa sa PNP, 73 porsiyento ng mga ito ay nasita dahil sa paglabag sa minimum public health standards tulad ng maling pagsusuot ng facemask. Nasa 26% naman ang nasita dahil sa paglabag sa curfew. Kaugnay nito, 57% ng mga nasita ang nabigyan ng warning, habang 35% naman ang tiniketan. At nasa 8% naman ang nadala sa mga presinto.
Kung lahat ay sumusunod sa mga panuntunan, nag-iingat at nakikiisa sa mga programa kontra-COVID-19, magiging mas madali ang sitwasyon.
Bukod sa maiiwasan ang pagkakasakit, unti-unti nang makakabawi ang ating kabuhayan.
Mapagtutuunan na rin ang iba pang problema at isyu sa ating bayan.
Masyado na tayong natambay sa pandemya, marami na tayong napabayaan at napalagpas.
Walang tamang panahon para bumawi kundi ngayon.
Kung nagiging maluwag ang gobyerno alang-alang sa ekonomiya, huwag nating abusuhin.
Palagi pa ring sumunod at mag-ingat.



Comments