Bukod sa less-hassle sa biyahe… Iba’t ibang advantage ng work from home setup
- BULGAR
- Aug 18, 2022
- 2 min read
ni Mharose Almirañez | August 18, 2022

Kamakailan lamang nang magbalik-opisina ang mga empleyado matapos ang halos dalawang taong work from home setup dahil sa COVID-19 pandemic. Kasabay nito ay unti-unti na ring nagbubukas ang ekonomiya at maging ang face-to-face classes ay magsisimula na rin.
Ang tanong, ready ka na bang gumising nang maaga, makipagbardagulan sa mga pasahero at humiling na sana’y humarurot ang sasakyan, huwag ka lamang ma-late sa trabaho? Kumusta naman ang budget mo para sa food and transportation? Plantsado na ba ang OOTD mo?
Aminin man natin o hindi, napakalaki talaga ng advantage kapag naka-work from home, katulad na lamang ng mga sumusunod:
1. TIPID SA ORAS. ‘Yung tipong, puwede kang gumising kahit sa mismong oras ng iyong shift. Kumbaga, puwede kang magtrabaho kahit nakapantulog ka pa at walang ligo, hilamos o sipilyo.
2. TIPID SA PAMASAHE. Hindi mo na kailangang bumiyahe at mag-budget para sa pamasahe dahil nasa bahay ka lang. Siyempre, hindi mo na rin kakailanganing gumising nang maaga para hindi abutan ng rush hour sa kalsada at maiwasan ang pakikipag-siksikan sa ibang pasahero.
3. TIPID SA PAGKAIN. Tutal, naka-WFH ka naman, kung ano ‘yung pagkaing nakahain sa inyong hapag ay ‘yun na rin ang kakainin mo. Hindi ka matutuksong bumili ng kung anu-anong pagkain tuwing break time o mabubudol ng katrabaho mong mahilig magpa-deliver.
4. TIPID SA DAMIT. Hindi ka na mai-stress kung ano ang iyong outfit of the day, sapagkat puwede kang magtrabaho kahit nakapambahay lamang. Hindi ka mako-conscious sa gusut-gusot at paulit-ulit na suot dahil hindi ka naman nila makikita at maaamoy.
5. MAS MABILIS MATATAPOS ANG TRABAHO. Puwede kang mag-advance sa iyong workload upang mas marami kang time makipag-bonding sa family members. Puwede ka ring gumawa ng gawaing-bahay at magpahinga matapos ang iyong trabaho.
6. PUWEDENG MAGPALIPAT-LIPAT NG BAHAY. ‘Yung wala kang ikokonsiderang lugar sa iyong paglilipat-bahay. Puwede kang lumipat sa CALABARZON o CAMANAVA area kahit nasa kabilang sulok ng mapa ang iyong workplace. Tulad ng nabanggit, kahit lumipat ka ng bahay ay hindi mo poproblemahin ang araw-araw na expenses, lalo na ‘yung oras na igugugol mo sana sa pagko-commute, sapagkat naka-work from home ka naman.
7. PUWEDENG ISABAY ANG BUSINESS O PART TIME JOB. Siyempre, hindi puwedeng iisa lang ang iyong source of income. Dapat ay may naiisip ka na ring alternative way para lumago ang iyong pera. Kung naka-WFH ka, mas may time ka para asikasuhin ang pagnenegosyo o puwede ka ring humanap ng ibang pagkakakitaan. Siguraduhin mo lang na hindi masasagasaan ang iyong current job.
Siyempre, kung may advantages ay mayroon ding disadvantages, tulad na lamang ng pagtaas ng inyong electric at internet bill, gayundin ang power interruption, pagiging petiks mo sa trabaho at ang pagiging outdated sa latest tsika sa inyong opisina.
Nakakalungkot lang isipin na may ilang employer na porke naka-WFH ka ay magpa-follow up na sila nang magpa-follow up sa iyong task, magre-request o magdadagdag ng trabaho kahit tapos na ang iyong office hours. Ang mas masaklap pa ay may mga kumpanyang nag-cost cutting at nagbawas ng pasahod sa kanilang empleyado habang naka-work from home.
So, beshie, ano’ng mas bet mo, WFH o office setup?








Comments