Budget para sa COVID-19 vaccine, siguraduhin ‘di na mabibitin
- BULGAR

- Dec 11, 2020
- 1 min read
@Editorial | December 11, 2020
Unti-unti nang nagkakaroon ng COVID-19 vaccine sa ibang bansa at konting kembot na lang, aabot na rin sa ‘Pinas.
Kung saan, 100 milyong Pinoy umano ang kayang bakunahan ng COVID-19 vaccine sa budget na P72.5 bilyon na inilaan sa ilalim ng 2021 national budget. Ito ay kung ang bibilhing bakuna ng gobyerno ay P600 ang halaga kada dose.
Una nang sinabi ni National Task Force against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez, Jr. na target na maturukan ang 60 hanggang 70 porsyento ng mga Pinoy.
Kung may pondong nakalaan, nangangahulugang hindi na mauulit ang isyu sa swab testing kung saan, tila nabitin ang pondo at lumabas na may utang pa pala ang gobyerno kaya natigil ang libreng COVID testing. Kaya ito ang dapat na tiyakin ng mga awtoridad.
Samantala, usapang swab testing, pag-aaralan pa umano ng Inter-Agency Task Force ang panukala ni Pangulong Rodrigo Duyerte na gawing libre ang mass testing kontra COVID-19 sa lahat ng mga Filipino. Tulad ng binanggit natin, kailangan munang alamin kung sasapat ang pondo ng gobyerno para rito.
Hindi lang ito para sa usapin laban sa COVID-19 kundi maging sa lahat ng programa at proyekto ng pamahalaan. Dapat siguruhin munang sapat ang pondo, mapagkakatiwalaan ang mga magpapatupad at ang mismong magiging sistema, bago ilarga.



Comments