Boss Emong, mang-aagaw ng titulo kay Big Lagoon
- BULGAR
- Dec 7, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | December 7, 2023
Pakay ni Boss Emong na agawin ang titulo na hawak ng defending champion Big Lagoon pagharap nila sa 2023 PCSO Presidential Gold Cup na ilalarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas sa Disyembre 17.
Makikipagkampihan si Boss Emong kay Sophisticated upang masungkit ang inaasam na korona sa presitihiyosong karera ng taon kung saan ay may P10-M na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta.
Ang ibang nagdeklara ng paglahok ay si Ambisioso, Don Julio, Enigma Uno, Istulen Ola, Magtotobetsky at War Cannon sa distansiyang 2,000 meter race.
Sasakyan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate si Boss Emong habang si Claro S. Pare ang gagabay sa ka-kuwadrang Sophisticated para harapin ang pinapaborang Big Lagoon na rerendahan naman ni John Paul Guce.
Paniguradong magiging mainitan ang bakbakan dahil sa P6-M na nakalaan na premyo sa mananalong kabayo sa inisponsoran ng Philippine Charity Sweepstakes Office, (PCSO).
Susungkitin ng second placer ang P2-M, P1-M ang mapupunta sa pangatlong puwesto habang tig-P500,000, P300,000 at P200,000 ang fourth hanggang sixth ayon sa pagkakahilera.
Tatanggap naman ang breeder ng winning horse ng P500, 000, tig-P300,000 at P200,000 ang second at third sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.
Samantala, maliban sa nabanggit na stakes race, inaasahang maglalarga ang Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) ng mga balanseng karera sa mismong araw ng laban sa PGC championship.








Comments