top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

BOQ, dapat todo-bantay sa mga galing sa ‘red list countries’

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 19, 2022
2 min read

@Editorial | January 19, 2022



Pinayagan nang makapasok sa bansa ang mga indibidwal na magmumula sa mga bansang kabilang sa red list o may mataas na kaso ng COVID-19.


Kaugnay nito, tiniyak naman ng Bureau of Quarantine (BOQ) na hindi makadaragdag sa kasalukuyang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ang pagluluwag sa restriksiyon sa mga indibidwal na dumarating sa bansa.


Mahigpit umanong pinag-aralan ng mga technical advisory group, at COVID-19 surveillance and quick action unit ng Department of Health (DOH) ang current evidence at risk and benefit ratio ng naturang polisiya.


Bukod dito ay binaba rin umano sa 48-hours mula sa dating 72-hours ang turnaround-time ng paglalabas ng resulta ng mga RT-PCR test ng mga indibidwal na mula sa red list countries na babalik sa bansa.


May mga nakapaskil na ring posters ng polisya sa mga paliparan para sa arrival ng mga kababayan nating mula sa nasabing mga bansa.


May mga treatment facility din na nasa ilalim mismo ng pangangalaga ng bureau ang nakahanda para sa magpopositibo sa COVID.


Target din ang pagkuha ng mga karagdagang kawani upang lalong masiguro na mahigpit na maipatutupad ang seguridad dito.


Sa mga pasaway d’yan, huwag nang tangkaing gumawa ng kalokohan, matuto tayong sumunod para walang problema.


Anuman ang mga pagbabago, mas mahigpit o mas maluwag man, ang mahalaga ay pinag-aralang maigi, maipatutupad nang maayos at susundin ng lahat.


Kailangan ang mga ito para tuluyan na nating masabayan ang pandemya.


Hindi puwedeng habambuhay tayong natatakot o nagkukulong, panahon na para harapin ang banta ng COVID.


Tulad ng sinasabi ng mga eksperto, bahagi na ito ng ating pamumuhay.


Ang pakiusap lang sa lahat, puwedeng kumalma pero huwag magpakampante.


Puwedeng maging malaya at magsaya pero ‘wag magpapabaya.


Sumunod pa rin sa mga panuntunan at kasabay nito, aralin na rin natin kung paano kikilos sa gitna ng pandemya nang ligtas.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page