top of page

Booster shots kontra-COVID-19... Seniors at indibidwal na may comorbidities, start na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 22, 2021
  • 2 min read

ni Lolet Abania | November 22, 2021


ree

Nagsimula na ang pamahalaan sa pagbibigay ng booster shots sa mga senior citizens at mga immunocompromised na indibidwal o iyong mga nasa A2 at A3 categories para sa karagdagan nilang proteksyon laban sa COVID-19 ngayong Lunes.


Batay sa guidelines, ibinibigay ang boosters o dagdag na dose ng hindi bababa sa 6 na buwan mula nang makumpleto ng isang indibidwal ang dalawang doses ng COVID-19 vaccine o higit 3 buwan matapos maturukan ng single-dose vaccine.


“Ito ang hinihintay ng ating senior citizens, na magkaroon ng additional dose and protection,” ani vaccine czar Carlito Galvez Jr. sa ginanap na ceremonial vaccination ng booster shots sa East Avenue Medical Center sa Quezon City.


Kabilang sa mga immunocompromised na mga indibidwal na eligible na makatanggap ng COVID-19 vaccine dose ay mga immunodeficiency state, mga taong tinamaan ng HIV, may active cancer o malignancy, transplant patients, at mga pasyenteng sumasailalim sa immunosuppressive treatments.


Ayon kay Galvez, mayroon nang sapat na doses, ng iba’t ibang brands ng COVID-19 vaccines para sa isasagawang booster shots sa mga sakop ng dalawang categories.


Sinabi pa ng opisyal na aabot sa 6 hanggang 8 milyon doses ang alokasyon para sa booster shots. Aniya, hindi kasama rito ang 1.6 milyon na alokasyon para naman sa karagdagang doses sa mga frontline healthcare workers.


Ayon naman kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos, pareho ang gagawing sistema na may pre-registration sa panahon ng pagbabakuna noon ng primary shots, na siya ring susundin para sa booster shots.


“According to the registration, sila (booster recipients) ay tatawagan for their schedules,” ani Abalos.


Sinabi naman ng Department of Health (DOH) na ang mga kabilang sa A2 at A3 categories ay eligible para bigyan ng isang single COVID-19 booster dose, ito man ay isang homologous o isang heterologous dose.


Ang homologous booster dose ay pagbabakuna sa isang indibidwal ng parehong vaccine brand na ginamit sa kanyang unang dalawang doses habang ang heterologous booster dose ay pagbabakuna sa isang indibidwal ng ibang vaccine brand kumpara sa ginamit sa kanyang unang dalawang doses.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page