Blue Eagles sa 3rd win, Womens: UP, babawi sa NU
- BULGAR
- Oct 7, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | October 7, 2023

Mga laro ngayon – Araneta Coliseum
11 am AdU vs. ADMU
1 pm NU vs. UP
3 pm UST vs. DLSU
5 pm FEU vs. UE
Nag-uwi ng hindi lang isa kundi dalawang higanteng panalo ang Ateneo de Manila University kontra sa kanilang malupit na karibal De La Salle University sa 86th UAAP Basketball Tournament noong Miyerkules. Naunang nagwagi ang Blue Eagles sa Lady Archers sa overtime sa Adamson University Gym, 87-70 at sinundan ng 77-72 panalo sa Green Archers sa MOA Arena.
Ipinagpag ng Ateneo ang alaala ng 64-77 talo sa National University noong Sabado, unang araw ng torneo. Nanguna sa Blue Eagles sina Chris Koon na may 19 at Ballungay na may 18 at 16 rebound, malayo kumpara sa laban sa Bulldogs kung saan tig-4 na puntos lang sila.
Sa women’s, nagsumite ng double-double sina Junize Calago (22 puntos, 10 rebound), Kacey dela Rosa (14 at 16) at Sarah Makanjuola (14 at 16). Sa ibang mga laro ng women’s, 2-0 na ang defending champion NU at tinambakan ang Far Eastern University, 95-58. Sumosyo din sa 2-0 ang University of Santo Tomas na wagi sa Adamson, 84-65, at University of the Philippines na nanaig sa University of the East, 66-48.

Lilipat ang UAAP men’s ngayon sa Araneta Coliseum para sa tapatan ng mga walang talong NU at UP para sa liderato ng men’s sa 1 p.m. Aabangan ang salpukan ng mga dating Bulldogs na lumipat sa Fighting Maroons Janjan Felicilda at Reyland Torres laban sa kapwa guwardiya Steve Nash Enriquez at Kean Baclaan kasabay ng labanan sa ilalim nina MVP Malick Diouf ng UP at Omar John ng NU. Bubuksan ang araw ng AdU at ADMU sa 11 a.m. Magkikita ang UST at DLSU sa 3 p.m. at FEU kontra UE sa 5 p.m.








Comments