top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Biyudang nagka-anak sa ibang lalaki, takot mabuking ng mga anak

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 15, 2021
2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | December 15, 2021



Dear Sister Isabel,


Ang isasangguni ko sa inyo ay tungkol sa anak ko sa labas. Naanakan ako ng kasamahan ko sa trabaho noon sa abroad at nailihim namin ang lahat sa pamilya ko at sa tatlo kong anak na kapiling ko ngayon dahil biyuda na ako nang maanakan ng kasamahan ko sa trabaho. May pamilya na siya kaya noong una ay hindi namin alam ang gagawin para maitago ito, pero ngayon, alam na ng pamilya niya at tanggap ng asawa niya ang mga pangyayari dahil wala silang anak na lalaki.


Sa madaling salita, nairaos ko ang pagbubuntis at panganganak at umuwi na ako sa piling ng mga anak ko at dito na namalagi sa Pilipinas.


Matagal na panahon na ang lumipas at walang kaalam-alam ang mga anak ko sa mga pangyayari. Ang alam ng bata ay tunay siyang anak ng kinikilala niyang mommy. Ang problema ko ay nalaman niya na ako ang tunay niyang ina at gusto niyang makipagkita sa akin at sa mga kapatid niya na anak ko sa una kong asawa. Nag-aalala ako na baka kasuklaman ako ng mga anak ko ngayon at hindi nila matanggap na may anak ako sa labas.


Baka ang maganda naming pagsasama ay mabahiran ng pagkasuklam at kawalan ng respeto sa akin ng sarili kong mga anak. Ano ang dapat kong gawin? Umaasa sa inyong tulong.


Maraming salamat.

Nagpapasalamat,


Divina ng Roxas City


Sa iyo, Divina,


Huwag kang mabahala sa problema mo, natitiyak kong mauunawaan ng mga anak mo sa kasalukuyan kung matutuklasan nila na may kapatid sila sa labas. Batid nila kung paano mo hinarap ng buong tapang ang mga pagsubok sa buhay simula nang mabiyuda ka at sa awa naman ng Diyos ay naitaguyod mo sila. Kung nangyari man sa iyo ‘yan, natitiyak kong uunawain ka ng mga anak mo at matatanggap nila nang buo ang kapatid nila.


‘Ika nga, walang lihim na hindi nabubunyag, kaya mabuti na ‘yang nangyari kaysa tumagal pa ‘yan. Harapin mo ng buong katatagan ang kinakaharap mong problema ngayon. Manalig ka na sa awa at tulong ng Diyos, mailalagay mo sa ayos ang iyong pamilya. Lalong magiging matatag at punumpuno ng pagmamahalan at pagmamalasakitan ang inyong samahan. Planuhin mong mabuti kung kailan sila magtatagpo-tagpo. Gawin mo itong isang kaaya-ayang reunion ng magkakapatid.


Magagawa mo ‘yan sa tulong ng Dakilang Kataas-taasan.


Taimtim na panalangin ang kailangan mo. ‘Ika nga, hindi natutulog ang Diyos. Ituturo Niya sa iyo ang tamang hakbang na dapat mong gawin.


Hanggang dito na lang, pagpalain ka nawa ng Dakilang Lumikha.


Sumasaiyo,


Sister Isabel Del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page