top of page
Search
  • BULGAR

Biyudang masama ang loob sa anak na walang galang

ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | March 29, 2023


Dear Sister Isabel,


Isa akong senior citizen na may limang anak, ‘yung bunso ay kasama ko sa bahay, gayundin ang kanyang pamilya. Hindi ko sukat akalain sa magbabago ang anak ko dahil kung kailan ako tumanda, saka pa ako nakakatikim ng masasakit na salita mula sa kanya. Maging ang manugang ko ay ganundin, walang respeto at hindi ko madama ang pagmamalasakit sa akin bilang biyenan niya.

Bakit ganito ang panahon ngayon, mas matapang pa ang mga anak kaysa sa magulang?


Naiiyak na lang ako dahil biyuda na rin ako. Napakasakit pala na tratuhin ka ng iyong anak nang walang paggalang at para bang hindi niya ina.

Ano ang aking gagawin para hindi ako tratuhin ng anak ko ng ganito, at paano ko maibabalik ang nakaraan na punuumpuno ng paggalang at pagmamahal ang bunso kong anak?

Nagpapasalamat,

Nanay Celia ng Bulacan


Sa iyo, Nanay Celia,


Damang-dama ko ang sakit na nararanasan mo sa iyong bunsong anak at sa manugang mo. Expect the unexpected dahil iba noong araw kaysa ngayon. Tanggapin mo na lang sa iyong kalooban na hindi mo na maibabalik ang nakaraan. Nagbabago ang panahon, nagbabago rin ang kapaligiran, at uri ng mga taong nakakasalamuha natin sa mundo.

Ang pinakamabuti mong magagawa ay pagtuunan mo ng pansin ang iyong sarili at kung paano mo mapapanatili ang iyong kalusugan, kagandahan at talas ng isipan.


Huwag mo nang masyadong pansinin at bigyan ng importansya ang bunso mong anak na nasa hustong gulang at may sarili nang pamilya. Dumistansiya ka na sa kanila kahit magkakasama kayo sa iisang bahay, sa halip, intindihin mo ang iyong sarili.

Gayundin, iwasan mong maging sensitibo, dalasan mo ang pakikisalamuha sa mga taong madasalin at abala sa mga gawaing pansimbahan. Dasal ang solusyon sa lahat ng problema sa buhay, kaya ugaliin mong manalangin araw-araw. Hingin mo ang patnubay at subaybay ng Diyos. Idulog mo sa Kanya ang problema mo sa iyong anak at makikita mo, kakausapin siya ng Diyos. Magugulat ka na lang, bumalik na ang paggalang at pagmamahal niya sa iyo.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page