Biyudang drug pusher, gustong mag-bagong buhay para sa mga anak
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig |December 08, 2021
Dear Sister Isabel,
Biyuda na ako at may tatlong anak na pawang nasa elementary pa lang.
Nagtatrabaho ako bilang labandera at dahil sa hirap ng buhay, lingid sa kaalaman ng mga anak ko ay napilitan akong tanggapin ang alok ng kapitbahay namin na maging drug pusher. Nagagawa ko ito nang palihim kaya ngayon ay hindi na ako gaanong hirap sa araw-araw naming gastusin, pero sa totoo lang, walang katahimikan ang loob ko.
Palagi akong kinakabahan at may mga gabing hindi ako makatulog, kaya iniisip ko nang mag-bagong buhay at tigilan ang pagiging pusher. Tutal, may naitabi naman akong pera na sa aking palagay ay sapat na para magsimula ng isang maliit na sari-sari store. Kaya lang, natatakot ako na baka hindi pumayag ‘yung kapitbahay namin na nag-alok ng gawaing ito.
Ano ang dapat kong gawin? Gusto ko nang magkaroon ng kapayapaan ang aking isipan.
Tulungan n’yo ako, Sister Isabel, nawa’y mabigyan n’yo ako ng payo para gumaan ang aking pakiramdam at tuluyan nang magkaroon ng kalutasan ang problemang dinadala ko sa kasalukuyan.
Nagpapasalamat,
Norma ng Zambales
Sa iyo, Norma,
Hindi kita masisisi kung pumasok ka sa ganyang klase ng gawain dahil sadyang napakahirap ng buhay ngayon. Gayunman, hindi pa huli ang lahat para makawala ka sa napasukan mong hanapbuhay. Delikado ‘yan at napakalaking kahihiyan niyan sa mga anak mo. Posible pa na makulong ka at lalong walang mag-aaruga sa kanila.
Dahil d’yan, maipapayo ko na lumipat kayo ng tirahan, magpakalayo-layo kayo at tuluyan ka nang magbago at ituloy mo ang balak mong sari-sari store sa lugar na lilipatan n’yo.
‘Ika nga, may awa ang Diyos, tutulungan ka Niyang makayanan ang role mo sa iyong mga anak, basta’t huwag kang makakalimot magdasal. Kaya ngayon din, magbalot-balot ka na ng mga gamit at lumipat ng lugar na matitirahan at magsimula ka ulit sa piling ng iyong mga anak.
Lakip nito ang taos-pusong panalangin na nawa ay patnubayan ka ng Diyos sa lugar na paglilipatan ninyong mag-iina. Mag-ingat ka palagi.
Sumasaiyo,
Sister Isabel Del Mundo




Comments