Binatang uunlad sa negosyong grocery at yayaman sa edad na 45
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | August 2, 2022

KATANUNGAN
Mahabang panahon akong nag-barko at ngayon ay may kaunti akong ipon na sa tingin ko ay puwede nang ipuhunan sa negosyo. Kaya nais kong malaman, Maestro, kung ano ang negosyo na tiyak na kikita ako at hindi malulugi? Natatakot kasi akong pakawalan ang naipon ko kung malulugi lang dahil pinaghirapan ko ito nang matagal na panahon sa abroad.
Binata pa ako sa edad na 34, pero may girlfriend na ako, kaso hindi ko masasabing wife material siya dahil may pagka-isip bata pa. Ang ideal woman ko ay ‘yung may business minded tulad ko.
Hangad ko kasing yumaman sa edad na 45, kaya may almost ten years pa ako para magawa ito. Yayaman ba ako at magtatagumpay ba ang negosyong aking sisimulan at ano’ng negosyo ang suwerte sa akin?
KASAGUTAN
Kung babaeng may suwerte sa negosyo ang hinahanap mo, ang dapat mong mapangasawa ay tulad mong earth type gaya ng Capricorn, Virgo at Taurus, lalo na kung ang birth date nila ay 5, 14, 23, 8, 17 at 26. Puwede rin ang mga babaeng may biglang suwerte na 4, 13, 22 at 31.
Hinggil naman sa pagnenegosyo, dahil ikaw ay Capricorn, ang puwede mong pagkaabalahang negosyo na walang lugi ay grocery o puwesto sa isang public market na ang pangunahing produkto ay bigas, asukal, mantika, noodles, kape, sabon, at iba pang ginagamit ng mga tao. Dahil hindi puwedeng hindi sila bumili ng nasabing mga produkto, mabilis na iikot ang iyong salapi.
Hindi mahalaga ang malaking tubo, bagkus, ang mas mahalaga ay mabilis mo itong mai-dispose para mabilis ding umikot ang iyong puhunan kahit barya-barya lang. Kapag nagawa mo ‘yan at kaunti lang ang inyong tindera o pinagkakagastusan, maaaring kayo lang muna ng girlfriend mo ang tumao sa tindahan para kaunti lang ang expenses at tulad ng iyong pangarap, limang taon mula ngaon, malagong-malago na ang iyong negosyo.
Madali mo namang magagawa ang teknik na nabanggit dahil sa straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, bukod sa ikaw ay may ugaling praktikal, may pagka-materyoso at pagdating sa salapi, mahirap kang maisahan o mautakan.
Samantala, bukod sa pagiging materyoso at praktikal na inilarawan ng straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, kapansin-pansin din ang square type na hugis ng iyong mga palad (arrow b.), bukod sa pagiging malaman at matambok kapag sinalat. Ito ay patunay na sa edad mong 34, marami ka pang enerhiya o libido upang gawin at maipatupad nang suwabe ang inyong mga pangarap at adhikain na may kaugnayan sa salapi at materyal na bagay. Ibig sabihin, wala namang gaanong kaugnayan kung sino o ano ang ugali ng babaeng mapapangasawa mo para ikaw ay yumaman. Sa halip, ang totoo nito, ikaw din ang masusunod at susundin ng mapapangasawa mo sa sandaling nagkaroon ka na ng sariling pamilya.
DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Jerald, sundin mo lang ang mga produktong iminungkahi sa itaas — sa sarili mong diskarte at pagsisikap, tiyak ang magaganap sa taong 2030 at sa edad mong 43 pataas, malaking-malaki na ang iyong negosyo. Kasabay nito, tuloy-tuloy at mabilis na ring yayaman ang inyong pamilya nang hindi mo namamalayan.




Comments