Binatang taong Sais, dapat magpokus sa career
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| June 1, 2022
Dear Maestro,
Matagal n’yo na akong tagasubaybay, pero ngayon lang ako naglakas-loob na kumonsulta. Gusto kong malaman kung ano ang kapalaran ng isang taong isinilang nang February 25, 1995 at kung makapag-a-abroad ba ako?
Engineering graduate ako, pero wala pa akong permanenteng trabaho na angkop sa pinag-aralan ko. Kailan ba ako magkakatrabaho na talagang gusto ko at angkop sa kursong natapos ko?
Gayundin, sinu-sino ang mga babaeng ka-compatible ko at kailan ako magkaka-girlfriend?
Umaasa,
Art ng Pansol, Padre Garcia, Batangas
Dear Art,
Ayon sa birth date mong 7, ang 25 ay 2+5=7, sa destiny number mong 6 (naging 6 ang destiny number mo dahil 2+25+1995=2022/ 20+22=42/ 4+2=6) at sa zodiac sign mong Pisces, masyado kang maraming iniisip at pinapangarap, ngunit kulang ka sa kongkretong aksiyon o pagkilos.
Minsan naman, naipapatupad mo ang iyong mga ideya at balak, pero dahil kulang ka sa konsentrasyon, madali kang nanghihina at tumitigil sa iyong proyekto hanggang sa tuluyang mabura at mabigo ang iyong sinimulang gawain.
Upang malubos ang iyong tagumpay, kailangang magpokus ka sa iisang bagay at ito ay ang tungkol sa iyong kursong tinapos. Kaya kung hindi ka pa nakakapasa sa board exam upang maging lisensiyadong inhinyero, tulad ng nasabi na, ang destiny number mong 6 ang nagrerekomendang kung ano ang kursong natapos mo, mag-concentrate ka ru’n, sapagkat du’n ka mage-excel, sisikat at aasenso.
Sa pagkompyut ng destiny number mo (2+25+1995=2022/ 20+22=42/ 4+2=6), napansin mo ba ang taong 2022? Sa panahong ‘yun o ngayong taon, kung susundin mo ang mungkahi sa itaas na mag-concentrate sa iyong career o kursong natapos, tiyak na ru’n ka tuloy-tuloy na makakasumpong ng matatag at asensadong trabaho, gayundin, malaki ang suweldo.
Dagdag pa rito, upang mas madaling matupad ang mga pag-aanalisang inilahad sa itaas, bukod sa konsentrasyon sa iisang gawain, kailangang palagi kang magsuot ng mapalad mong kulay na berde at pula. Sa nasabing mga kulay, madali mong mapipitas ang suwerte at magandang kapalaran.
Pangalawa, napansin mo ba ang iyong lagda na medyo nababoy o burara? Baguhin mo ‘yan, kailangang hindi ibinabalik sa direksiyong kaliwa ang dulong bahagi ng letrang “a”. Sa halip, tapusin mo ang pinakapaa ng letrang “a” na siya ring pagtatapos ng iyong lagda sa straight line. Sa ganyang paraan, mas madali mong makakamit ang katuparang pangmateryal at pagdami ng iyong salapi at mga ari-arian.
Habang, ka-compatible naman ng zodiac sign mong Pisces ang mga babaeng isinilang sa zodiac sign na Cancer, Scorpio, Virgo, Gemini at kapwa mo Pisces, higit lalo silang may mga birth date na 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 9, 18, 27, 3, 12, 21, 30, 6, 15 at 24.
Samantala, ayon sa iyong Love Calendar, sa kumbinasyon ng Name Vibration, sa taong 2023 at sa edad mong 28 pataas, magkaka-girlfriend ka na, hatid ng babaeng may zodiac sign na Scorpio na nagtataglay ng initial na E.O.




Comments