top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Binatang dapat magka-GF muna bago magka-trabaho

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 24, 2020
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 24, 2020



Dear Maestro,


Ako ay Taong Uno, kaya lang, nagtataka ako dahil hanggang ngayon ay wala pa ring suwerte na dumarating sa aking buhay, samantalang palagi kong nababasa sa inyong mga artikulo na ang mga Taong Uno ay likas na masuwerte.


Bago nagka-COVID-19 ay nag-a-apply ako ng trabaho at marami na akong na-apply-an pero hindi pa rin ako natatanggap. Hanggang ngayon, hindi naman ako natawagan, istambay pa rin ako at umaasa sa aking mga magulang.


Sa pag-ibig ay ganundin, hanggang ngayon ay wala akong girlfriend at nang minsang nagka-girlfriend ako ay hindi naman nagtagal. Kailan ako magkaka-GF nang seryoso at pangmatagalan? Gayundin, kailan ako magkakaroon ng regular na trabaho? July 10, 1992 ang birthday ko.

Umaasa,

Rommel ng San Isidro, La Loma, Quezon City

Dear Rommel,


Kadalasan, hindi lang napapansin ng iba na kapag ang suwerte ay dumarating sa isang tao, sunud-sunod ‘yan, tuluy-tuloy at umaapaw. Halimbawa, nagka-girlfriend ka at nagkataong suwerte siya sa iyo dahil compatible kayo, magtataka ka dahil kasunod ng nabuong relasyon, marami pang suwerte ang darating sa iyong buhay. Halimbawa, magkakaroon ka ng regular at magandang trabaho at siguradong hindi lang trabaho ang darating sa iyo, bagkus, marami pang suwerte at magagandang kapalaran na dati mo nang hinihintay, pero sabay-sabay na magdaratingan.

Kapag kasi nakarelasyon mo ang taong suwerte sa buhay mo, maraming biyaya at magagandang bagay ang kusang ipagkakaloob sa iyo ng tadhana dahil nakasama mo na ang babaeng ka-compatible mo, na magbibigay sa iyo ng marami pang magagandang kapalaran.

Ganundin ang prinsipyo kapag sinasabi ng matatanda na sinusuwerte ang mga mag-asawang bagong kasal dahil ang dating kulang sa buhay ng binata o dalaga ay nakumpleto nang siya ay nag-asawa.


Sa sandaling nakumpleto ang buhay ng isang tao, kusa niyang nahihigop ang iba’t ibang uri ng suwerte at magagandang kapalaran sa ayaw at sa gusto niya. Ganundin ang prinsipyo kapag sinasabi ng matatanda na suwerte ang isang ginang na nagbubuntis. Sa kanyang pagbubuntis, nakukumpleto ang kanyang pagkatao, kaya nga sabi ng ilan, ang pagbubuntis ang isa sa pinakamasayang sandali sa buhay ng babae dahil dito napapatunayan na siya ay ganap nang babae na may kapasidad na manganak at maging ina. Kumbaga sa punong-kahoy ay nagkabunga na siya, kusa ngayong mahihigop ng kanyang pagkatao ang iba’t ibang uri at maraming suwerteng kapalaran na sadyang inilaan sa kanya ng Dakilang Lumikha.

Kaya tama ang psychologist na si Carl Jung nang kanyang sabihin na ang pangunahing motibasyon ng isang tao ay “toward completeness”, na sa ibang salita ay tinatawag din niyang “individualization”.


Sapagkat sa sandaling nakumpleto ang pagkatao ng isang tao, maaaring sa pag-aasawa o pakikipagrelasyon, maaari rin namang sa pagbubuntis o pagkakaroon ng matalik na kaibigan, tulad ng nasabi na, napakasimpleng tanda ang mga nabanggit na pangyayari na kusang sasagapin ng pagkatao mo ang iba’t ibang uri ng suwerte at magagandang kapalaran. Minsan kasi, sa isang panahon ng iyong karanasan ay na-attain mo ang “completeness” ng iyong buhay.

Kaya mapapansin mo na karamihan sa mga yumayaman ay may asawa na at kapag patuloy silang nagpartner at nagmahalan, maaaring sa negosyo, lalo silang sinusuwerte at yumayaman.

Ang the best na advice para suwertehin ka, hindi lang sa career kundi sa lahat ng aspeto ng iyong buhay, sa edad mong 28 ay pilitin mo munang magka-girlfriend ng ka-compatible mo saka ka mag-asawa. Gayunman, hindi basta-basta girlfriend ang kailangan. Sa halip, kailangang ka-compatible mo ang nasabing babae kung saan ayon sa zodiac sign mong Cancer, ang ka-compatible mo ay silang mga isinilang sa zodiac sign na Scorpio, Pisces, Capricorn at kapwa mo Cancer, higit lalo silang mga isinilang sa birth date na 4, 13, 22, 31, 7, 16, 25, 2, 11, 20 at 29.


Sa ganitong paraan, kusang darating sa iyo ang lahat ng suwerte at magagandang kapalaran na ipinapangako sa mga Taong Uno tulad mo.

Ayon sa Decadens ng Kapalaran, ito ay nakatakdang mangyari sa taon ding ito hanggang sa 2021 sa edad mong 28 pataas. Basta nagka-girlfriend ka, parang “magic”—magkakaroon ka na ng regular at magandang trabaho at marami pang malalaking mga pagpapala ang kusa at mag-uunahang dumating sa buhay mo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page