top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Bilyong pondo, gamitin sa permanenteng solusyon sa problema sa public transpo

BULGAR
Jan 16, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Enero 16, 2023


Matatandaang nagtapos ang Libreng Sakay program noong Disyembre 2022.


Balik sa normal ang operasyon sa EDSA Busway, kung saan balik sa paniningil ang mga bus.


Bukod pa rito, mas mahaba ang pila, kaya mas nagtatagal ang mga pasahero sa bus stations, bagay na ubos-oras at dagdag-pagod. Reklamo tuloy ng mga pasahero, nagbabayad na nga sila, hindi pa maganda ang serbisyo.


Gayunman, magpapatuloy ang libreng sakay sa EDSA Busway ngayong taon matapos maglaan ng gobyerno ng P1.285 bilyon para sa programa.


Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, aprubado na ang Service Contracting program ng Department of Transportation (DOTr), base na rin sa Republic Act 11936 o Fiscal Year 2023 General Appropriations Act na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.


Ang programang Service Contracting ang nagbibigay-daan sa pagpapatuloy ng Libreng Sakay para sa publiko, kabilang ang mga bus commuter sa kahabaan ng EDSA.


Paliwanag ng opisyal, naiintindihan ng gobyerno ang kalagayan ng commuting public, kaya binigyan sila ni P-BBM ng direktiba na gawin ang lahat upang makatulong sa pagpapagaan ng kanilang pasanin.


Ang Libreng Sakay ay pinagsamang programa ng DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang tulungan ang mga komyuter sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.


Batid nating malaking tulong ang programa sa publiko upang makatipid at mabawasan ang kanilang pasanin sa gitna ng mataas na inflation.


Gayunman, hindi natin minamaliit ang programa dahil sa totoo lang, milyun-milyong mananakay ang nakinabang dito. Pero kung tutuusin, band-aid solution ito, kumbaga, pansamantalang solusyon lamang.


Tutal, nakagagawa ang pamahalaan ng paraan para makapaglabas ng pondo para sa mga ganitong programa, bakit hindi ito gamitin sa pangmatagalang mga solusyon?


Habang tinitiyak ng gobyerno na bahagyang natutugunan ang hinaing ng publiko, umaasa tayong may ginagawa rin ang mga kinauukulan para magkaroon ng permanenteng solusyon ang problema ng mga komyuter.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page