Bilog sa heart line, ‘di tanda ng palpak na pag-aasawa
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | July 11, 2022

KATANUNGAN
May ikokonsulta lang ako sa inyo na mahalagang bagay tungkol sa Palmistry o Guhit ng Palad. Mag-aasawa na ako sa December dahil ‘yun ang napagkasunduan namin ng longtime boyfriend ko. Magiging okey at maligaya ba ang papasukin naming pag-aasawa kahit may napansin akong bilog sa aking Heart Line, pero okey naman ang Marriage Line ko?
Worried ako dahil ang ate ko ay nahiwalay sa asawa at sa amin na nakatira. Habang ‘yung sumunod naman sa akin ay nambabae ang mister niya pero hindi pa sila naghihiwalay. Natatakot ako na ganundin ang mangyari sa pag-aasawa ko, kaya sana ay mabigyan n’yo ako ng assurance na magiging maligaya ang papasukin kong pag-aasawa.
Compatible rin ba ang Pisces na zodiac sign ko na may birth date na 2 at Scorpio naman ang boyfriend ko na may birthdate na 7?
KASAGUTAN
Alam mo, mababait naman ang mga taong isinilang sa mga petsang 7, 16 at 25, tulad n’yo rin na isinilang naman sa mga petsang 2, 11, at 29. Nagkataon pang compatible rin ang zodiac sign mong Pisces sa zodiac sign na Scorpio ng boyfriend mo. Kaya kung Astro-Numerology na pag-aanalisa ang pagbabasehan, siguradong wala namang magiging problema sa inyong relasyon at malaki ang posibilidad na habambuhay kayong magsasama at magiging maligaya.
Samantala, ang pag-aanalisang tinuran na magiging maligaya ang papasukin mong pag-aasawa ay madali namang kinumpirma ng kaisa-isa, malinaw at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na noon pa man, bago ka pa isinilang ay inilaan na sa iyo ng tadhana ang maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa.
Hinggil naman sa iyong tanong kung bakit may island o bilog ang iyong Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanang palad, ‘yan ay indikasyon ng kabiguan sa iyong first love o sa mga nakaraan mong pag-ibig. Sa madaling salita, tapos na ‘yun, kaya hindi mo na dapat pang problemahin ang naturang bilog o Heart Line (arrow b.).
Samantala, bilang karagdagang impormasyon, sa Medical Palmistry, sinasabi ring ang island o bilog sa kaliwa at kanang Heart Line (h-h arrow b.) ay indikasyon din ng sakit sa puso o circulatory problem ng isang indibidwal. Kaya kung may lahi kayo ng sakit sa puso or circulatory ailment, lalo na kung medyo mataba ka o hindi gaanong normal ang iyong blood pressure, nagpapaalala ang nasabing bilog sa Heart Line (arrow b.) na kailangang regular kang magpa-check-up upang masiguro ang iyong kalusugan. Bilang suhestiyon, itaon mo ang ang pagpapa-check-up sa gagawin mong preparasyon sa nalalapit mong pagpapakasal.
DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, Normita, ituloy mo lang ang binabalak n’yong pagpapakasal ng boyfriend mo sa darating na Disyembre. Dahil tulad ng nasabi na, ayon sa iyong mga datos, hindi matutulad sa mga kapatid mo ang papasukin mong pag-aasawa, kaya hindi ka mahihiwalay sa iyong mister. Sa halip, nakatakda na ang magaganap bago ka pa isinilang — mananatiling buo at habambuhay na magiging maligaya ang papasukin n’yong pagpapamilya.




Comments