ni Eli San Miguel - Trainee @News | December 7, 2023
Bumaba ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho o kabuhayan noong Oktubre, ayon sa resulta ng pinakabagong Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa isang press conference ngayong Huwebes, iniulat ni National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa na bumaba ang bilang ng mga hindi nagtatrabaho na may edad 15 pataas sa 2.09 milyon mula sa 2.26 milyon noong Setyembre.
Sa taunang paghahambing, mas mababa ang bilang ng mga walang trabaho noong Oktubre 2023 kaysa sa 2.24 milyon na nakita noong Oktubre 2022.
Bilang porsyento ng kabuuang 49.89 milyong tao sa labor force na aktibong naghahanap ng trabaho, umabot ang unemployment rate sa 4.2%.
Ibig-sabihin, walang trabaho o kabuhayan ang 42 sa bawat 1,000 na tao sa labor force noong Oktubre 2023, ayon kay Mapa.
Mas mababa ang unemployment rate noong Oktubre ng taong kasalukuyan kaysa sa 4.5% na joblessness rate noong Setyembre at mas mababa rin kaysa sa 4.5% na rate noong Oktubre ng nakaraang taon.
Comments