Bigtime rollback ngayon, mas malaking price hike bukas?

by Info @Editorial | November 8, 2026

Sa halip na matuwa, tila kinakabahan pa ang maraming Pilipino sa malaking rollback sa presyo ng produktong petrolyo. Baka kasi sa susunod na linggo, mas malaki pa umano ang ibawi sa taas-presyo.
Hindi naman bago sa mga motorista ang ganitong sitwasyon. Kapag bumababa ang presyo ng gasolina at diesel, pansamantala lamang ang ginhawa. Pero kapag nagtaasan na, ramdam agad ang epekto sa bilihin at araw-araw na gastusin.
Ang mas masakit, mabilis tumaas ang presyo ng mga produkto kapag mahal ang langis, pero napakabagal namang bumaba kapag may rollback. Ang resulta, laging talo ang ordinaryong mamimili.
Hindi masamang ipagdiwang ang pagbaba ng presyo ng petrolyo. Pero ang tunay na kailangan ng mga Pilipino ay pangmatagalang katatagan ng presyo, hindi lingguhang kaba kung magkano na naman ang susunod na dagdag-singil.
Dahil sa bawat rollback na may kasunod na malaking price hike, ang tunay na nauubos ay ang laman ng bulsa ng Pilipino.



Comments