top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Bf na boss at dyowang nasa abroad, nagyayang magpakasal kaya litong-lito

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 26, 2021
2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | October 26, 2021



Dear Sister Isabel,


Ano ang marapat kong gawin? Naiipit ako sa dalawang nag-uuntugang bato. Ibig kong sabihin, hindi ko malaman kung sino sa dalawa kong boyfriend ang dapat kong pakasalan.


Dalawa kasi ang boyfriend ko at wala akong itulak kabigin sa kanila. ‘Yung isa ay boss ko na mayaman, guwapo at matalino. Gayundin, mabait at maalalahanin siya. Halos lahat ng katangiang hinahanap ng isang babae sa lalaki ay nasa kanya na.


‘Yung isa naman ay nasa abroad at classmate ko siya noong high school. Nagpatuloy siyang mag-aral sa abroad at ngayon ay nasa mabuti nang kalagayan. Pareho na silang nagyayaya ng kasal, pero hindi alam ng bawat isa na may kahati sila sa puso ko dahil mahusay akong magdala.


Pero lahat ay may hangganan at kailangan ko nang mamili sa dalawa. Hindi ko alam ang gagawin dahil ayaw ko ring may masaktan sa sandaling piliin ko na ang gusto kong makasama habambuhay.


Sister, ano ang magandang diskarte para hindi ako maguluhan at walang masaktan sa gagawin kong pagpapasya kung sino talaga ang nararapat para sa akin? Nawa ay magabayan n’yo ako ng tamang pagpapasya.


Nagpapasalamat,


Jessica ng Pampanga


Sa iyo, Jessica,


Una sa lahat, tanungin mo ang iyong puso, sino ba talaga ang tinitibok nito? Sino ba sa dalawa ang higit kang maligaya ‘pag kausap mo? Sino sa kanila ang walang mabigat na problemang kakaharapin kapag nagsasama na kayo bilang mag-asawa? Sino sa kanila ang tanggap ka ng magiging biyenan mo at mga kapamilya niya? Ikaw at wala nang iba ang makakaramdam kung sino sa kanila ang magbibigay sa iyo ng kaligayahang inaasam-asam mo kapag lumagay ka na sa buhay may asawa.


Sa kabilang dako, mas mainam siguro na itong boss mo ang iyong piliin. Sa pakiramdam ko ay masaya naman ang relasyon n’yo at walang mabigat na pagdaraanan kapag siya ang pinili mo.


‘Yun namang nasa abroad ay unti-unti mo nang putulin ang pakikipagmabutihan sa kanya.


Bandang huli ay makakahalata din ‘yun at iisipin na hindi siya ang balak mong pakasalan.



Sumasaiyo,


Sister Isabel del Mundo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page