top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Bebot na papasa sa ikatlong take ng nursing board exam

BULGAR
Jun 14, 2022
3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| June 14, 2022


Dear Maestro,


Graduate ako ng kursong Nursing at nagbabalak akong kumuha ng Nursing Licensure Board Exam. Sa pangatlong pagkakataon, makakapasa na ba ako at magiging ganap na Registered Nurse?


Gusto ko ring malaman kung ano ang lucky color at favorable years ko, lalo na sa aking career? February 17, 1994 ang birthday ko.


Umaasa,

Christine ng Cupang, Muntinlupa City


Dear Christine,


Ganyan talaga ang kapalaran ng mga Taong Otso, na nagkataon pang ikaw ay Aquarius, palagi kong sinasabi na “A hard road to glory”. Ibig sabihin, susubukin at pahihirapan muna kayo ng tadhana bago lubusang magtagumpay at mapitas ang wagas na kaligayahan.


Pero ang mas mahalaga, ‘wag kang susuko, basta’t patuloy kang lumaban at makihamok dahil sa bandang huli, makakatikim ka rin ng tagumpay at walang kahulilip na kaginhawahan.


Bukod sa birth date mong 17 o 8 (ang 17 ay 1+7=8) at zodiac sign mong Aquarius, pansinin mong ikaw din ay may destiny number na 6 (2+17+1994=2013/ 20+13=33/ 3+3=6).


Ang ibig sabihin ng destiny number mong 6 ay magkakaroon ka ng kakaibang pihit ng kapalaran sa mga numerong pasok sa series of 3-6-9. Ito ay nangangahulugan din na magiging mahalaga sa iyo ang mga numerong 3, 6, at 9, ganundin ang lahat ng numero at petsa na may sumatotal na 3, 6, 9, tulad ng 12, 21, 30, 15, 24, 18, 27, at iba pang kauri nito. Maihahaka ngayon na sa ikatlong pagkuha ng board exam, posibleng makapasa ka na.


Dagdag pa rito, napansin mo ba na taong 2022 ay may sumatotal na 6 (dahil 20+22=42/ 4+2=6)? Ibig sabihin, sa taong ito ng 2022, magkakaroon ng malaking pagbabago at suwerteng darating sa iyong kapalaran, kung saan posibleng ang markadong kapalarang ito ay ang nakatakda mong pagpasa sa board exam.


Sa sandaling nakapasa ka, bilang pasasalamat, ‘wag mong kalilimutang mag-blow out at magsimba, nang sa gayun, dahil marunong kang magpasalamat sa mga biyayang iyong natatanggap, marami at siksik-liglig na biyaya at pagpapala ang ibabalik sa iyo ng langit.


Hinggil naman sa iyong tanong kung ano ang lucky color mo, okey pa rin ang black para sa last and final battle ng iyong buhay. Kumbaga, gagamitin mo ang kulay na black sa do or die na labanan. Parang ‘yung madalas sabihin ng mga sugarol at mahilig sa mga pakikihamok at pakikipagsapalaran na, “Ito na ang huling taya ng kapalaran, pati pato’t panggulo, kasama na!”


Sa ganu’ng labanan ng buhay ginagamit ang kulay na black upang matiyak ang tagumpay. Kaya nasa iyo pa rin ang huling pasya kung ilalaban mo ang lahat-lahat sa iyong buhay.


Samantala, dahil 17 o 8 ang birth date mo, bukod sa kulay na black, mapalad ka rin sa green at yellow. Habang kung ang destiny number mo naman na 6 ang tatanungin, okey din sa iyo ang lahat ng kulay na hinango sa pula at asul tulad ng pink, purple, lilac at iba pang kauri nito.


Samantala, significant at favorable years mo naman ang mga taong 2022, 2023, 2024 at 2025. Kung maganda ang iyong lagda na hindi mo naman inilakip sa iyong letter, kung saan ang magandang lagda ay hindi nababoy o naburara at hindi rin ibinalikwas sa direksyong kaliwa ang mga strokes, tiyak ang magaganap sa nasabing mga panahon at sa edad mong 28 pataas, kung saan matapos ang marami at sanga-sangang mga pagsubok, unti-unti mo nang makakamit ang iyong mga pangarap sa buhay hanggang sa tuloy-tuloy ka nang lumigaya at magtagumpay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page