Bebot na nangibang-bansa para sa mga anak…Nabuntis ng workmate na may asawa’t anak
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | July 24, 2023
Dear Sister Isabel,
Hindi ko alam kung paano ko maibabahagi ang aking problema, nagiging emotional kasi ako ‘pag naiisip ko ang nangyari sa akin noon.
35-years-old pa lang ay biyuda na ako. May apat kaming anak ng yumao kong asawa, 2 babae at 2 lalaki. 6-anyos pa lang ang panganay ko noon kaya masakit man sa akin na iwan sila para makapagtrabaho ako sa abroad, ay ginawa ko para buhayin at pag-aralin sila.
Mabuti na lang ay nand’yan ang magulang ko para alagaan sila habang ako ay nasa abroad.
Nangyari na nga ang pinag-ugatan ng problema ko. Hindi ko natapos ang 2-years contract ko, dahil nabuntis ako ng kasamahan ko sa trabaho na ang buong akala ko ay walang asawa.
‘Yun pala ay may sarili na rin siyang pamilya. Agad akong nag-resign upang umiwas sa lalaking iyon. Ayokong makasira ng pamilya kaya gusto kong buhayin mag-isa ang magiging anak namin.
Umuwi ako sa ‘Pinas at buong tapang kong hinarap ang buhay. Sinundan niya ako rito, nagtago ako pero sa bandang huli ay natagpuan niya rin ako.
Ramdam ko ang hirap ng kalooban niya, at halos masiraan na rin siya ng bait sa mga pangyayari, kung kaya’t tinanggap ko siyang muli. Nasa abroad daw ang asawa’t anak niya, kaya wala na raw kaming problema.
Pumunta kami sa Bicol at doon namuhay ng masagana. Mayaman ang angkan niya at tanggap naman ako. Sa madaling salita, naglive-in kami hanggang sa maisilang ko ang aming anak. Tuwang-tuwa siya dahil lalaki ang aming beybi.
Kinailangan kong mag-abroad muli para sa aking 4 na anak na pawang maliliit pa at naiwan sa poder ng aking magulang. Pumayag naman siya, at iniwan ko sa kanya ang aming anak.
Ang hindi ko alam ay tuluyan ko na pala silang ‘di makikita.
Bumalik siya sa tunay niyang asawa at doon na rin tumira sa abroad. Tinanggap naman siya ng asawa niya na siyang naging ina ng anak namin, at tinuring niyang tunay na anak ang anak ko.
Hindi ko mahagilap kung saang bansa niya dinala ang anak ko. 21 years na rin ang nakakalipas. At buti na lang ay natuklasan ko kung saan sila naninirahan. Umuwi siya sa Pilipinas at nagkita kami ng anak ko.
Sa awa ng Diyos wala siyang hinanakit sa akin hanggang sa bumalik siya sa abroad.
Ang sabi ko ay pupuntahan ko siya sa abroad, pero nasaktan ako dahil ayaw niya raw saktan ang damdamin ng nakalakihan niyang ina.
Ang sakit pero kung hindi naman dahil sa akin ay wala siya rito sa mundo. Ako ang tunay niyang ina, tinakas lang naman siya sa akin ng kanyang ama. Hindi ko kasalanan kung bakit nagkalayo kami. Ako ang biktima pero parang ‘di niya ko gustong makitang muli. Mas binigyan pa niya ng importansya ang nakalakihan niyang ina.
Ano ang gagawin ko, Sister Isabel? Sabik na akong mayakap at makapiling kahit man lang sandali ang aking anak. Nawa’y mapayuhan n’yo ko sa dapat kong gawin.
Nagpapasalamat,
Teresa ng Pangasinan
Sa iyo, Teresa,
Sadyang ganyan ang buhay, kani-kanyang drama parang pelikula. Acceptance ang dapat mong gawin. Tanggapin mo na lang ang mga pangyayari. Magpasalamat ka na lang na nasa mabuting kalagayan ang anak mo at mukhang kuntento na sa piling ng nakalakihan niyang ina na hindi mo man sabihin ay napamahal na siya ro’n.
Pagdasal mo na lang na siya mismo ang mag-invite sa iyo sa abroad, maging daan sana siya mismo upang magkasundu-sundo kayo ng kanyang ama at stepmom. Hilingin mo ito sa Diyos.
Burahin mo ang malungkot na bahagi ng buhay mo. Maging positibo ka, hindi natutulog ang Diyos. May ligaya pang nakalaan sa inyo. Magsaya at magalak ka. Nand’yan lang ang Diyos sa tabi mo, aayusin niya ang buhay mo, at hindi ka na muling mangungulila pa.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments