Bebot na ‘di dapat matakot mag-asawa kahit ‘di maganda ang guhit ng mga palad
- BULGAR

- Dec 14, 2020
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| December 14, 2020

KATANUNGAN
May boyfriend ako ngayon at niyayaya na niya akong magpakasal. Wala namang problema dahil nasa wastong edad na kami, kaya lang, nang makita ko ang aking Heart Line ay putol ito o biyak, habang pabaluktot naman pababa ang unang Marriage Line sa aking palad. Ang pagkakaalam ko, sa ganu’ng guhit ay mahihiwalay sa asawa o mababalo. Tama ba ito, Maestro?
‘Yun ang gumugulo sa isipan ko kaya natatakot akong mag-asawa. Kung totoong ganu’n ang mangyayari base sapagkakaintindi ko sa guhit ng aking palad, tama ba ang iniisip kong ‘wag na lang mag-asawa upang hindi ako makaranas ng kalungkutan kung sakaling biglang mawala ang lalaking pakakasalan ko?
KASAGUTAN
Wala namang buhay na permanenteng masaya o palaging maligaya. Kahit saang lugar sa mundo at kahit ano’ng sitwasyon, palaging may kalungkutan, hilahil at problema. Kung meron mang lugar o bagay na “laging masaya”, ito ay sa mga kuwento lamang ng pag-ibig na nababasa natin sa mga fairy tale at pocket book.
Pero sa totoong buhay, tama ang ateistang pilosopo na si Arthur Schopenhauer. Sabi niya, “Kung itutuloy lang ang istorya sa natapos na nobela, tiyak na ang bida o prinsipe at ang prinsensa ay hindi naman magiging maligaya habambuhay. Siguradong kapag itinuloy ang kuwento, daranas din sila ng magulong buhay at sari-saring mga problema.” Posibleng maubusan ng pambili ng bigas ang mag-asawa at maaari ring magkasakit ang kanilang mga anak. Posible ring mambabae si mister o manlalaki si misis at maaaring mawalan ng trabaho si mister o magkasakit si misis. At sa bandang huli ay magkakasakit ang prinsesa at prinsipe, tatanda at mamamatay.
Ang mga senaryong nabanggit sa itaas ay ang katotohanan ng buhay na isinulat ni Schopenhauer sa kanyang aklat na The World as Will and Idea. Sabi nya, “As in popular fiction, the story must be ended when after interminable vicissitudes, the hero and heroine are happily wedded, for if the narrative continued, the reality of repeated misfortune would eventually prove, that life must be some kind of mistakes and that it is a sin to be born.” Ibig sabihin, hindi masarap at buhay sa halip ang buhay ay punumpuno ng pagdurusa.
Buti na lang, iba ang pananaw ng dakilang pintor na si Leonardo Da Vinci hinggil sa mga dinadanas nating pagdurusa, problema at kasawian sa buhay. Sabi Da Vinci, “There is no perfect gift without great suffering.” Ibig sabihin, bahagi ng buhay ang pagdurusa upang pagkatapos nito, ikaw naman ay lumigaya.
Kaya nga kung ang itinakda sa iyo ng kapalaran ay mawalan ng asawa, ‘wag kang matakot na danasin ito dahil hindi porke nawala ang iyong asawa ay tapos na ang istorya ng iyong buhay.
Sa totoo lang, kabaligtaran ng sinasabi ni Schopenhauer, “Hindi natatapos ang kuwento ng trahedya at drama sa buhay sa kalungkutan. Bagkus, kahit mamatay ang bida, kapag itinuloy ang istorya, ang pagkawala ng bida ay siya namang magiging simula upang lumabas ang ikalawang bida, na siyang magbibigay ng panibagong sigla at pag-asa sa mga manonood at mambabasa.” Sa termino ng mga nasyonalismo, “Kahit mamatay ang mga bayani, may mga bagong bayani na muling isisilang.”
Kaya Veronica, maaaring tama ka, negatibo nga ang nais ipahiwatig ng nabiyak o naputol na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) na sinuportahan pa ng dipalinhadong unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, na nagsasabing may tendency na sa iyong pag-aasawa, ikaw ay mabalo o mahiwalay sa kanya.
Subalit tulad ng naipaliwanag na, hindi naman sa pagkawala ng iyong asawa natatapos ang kuwento at drama ng iyong buhay. Sa halip, kapag itinuloy ang kuwento, simula pa lang ‘yun ng susunod na senaryo sa pagpihit ng maningning na kamera kung saan ayon sa ikalawang mas malinaw, tuwid at mas magandang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow c.), sa ikalawang pag-aasawa, walang duda, habambuhay ka nang liligaya.
DAPAT GAWIN
Kaya hindi ka dapat matakot na harapin ang hamon ng tadhana — mag-asawa ka. Mawala man ang una mong asawa, okey lang ‘yun sapagkat kapag itunuloy ang istorya ng iyong buhay, hindi ito natatapos sa pagkawala ng iyong asawa. Bagkus, sa ikalawang pag-aasawa, sigurado na ang magaganap— may pangako ng mas maligaya at panghabanbuhay na pagsasama, (Drawing A. at B. 2-M arrow c.), upang minsan pa, muli na namang mapatunayan ang katotohanan sa sinasabi ng dakilang pintor na si Leonardo Da Vinci, “There is no perfect gift without great suffering.”




Comments