Bayolenteng online games, ipagbawal na
- BULGAR

- 1 day ago
- 1 min read
by Info @Editorial | June 25, 2026

Ang nangyaring pamamaril sa isang eskwelahan sa Tacloban ay matinding paalala na hindi dapat balewalain ang impluwensya ng karahasan sa isip ng kabataan.
Hindi sapat na sabihing “laro lang” ang bayolenteng online games kung araw-araw itong nakikita, ginagaya, at nagiging normal sa paningin ng bata.
Hindi lahat ng naglalaro ay nagiging marahas, ngunit hindi rin dapat ipikit ang mata sa panganib. Kapag ang isang kabataan ay kulang sa gabay, may problema sa emosyon, o madaling maimpluwensyahan, maaaring lumala ang epekto ng mga larong puno ng barilan, patayan, at agresibong pag-uugali.
Panahon na para mas higpitan ang gabay ng magulang, paaralan, at pamahalaan. Kailangang bantayan ang nilalaro ng mga bata, limitahan ang oras sa online games, at turuan silang ihiwalay ang laro sa totoong buhay.
Ang trahedya sa Tacloban ay hindi lamang usapin ng krimen. Isa rin itong babala na seryosohin ang kaligtasan, mental health, at digital exposure ng kabataan bago pa may sumunod na karahasan.



Comments