Bayanihan ng mga nakaangat sa buhay at kapos sa kayamanan
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 4, 2022
Tuwing Enero, ipinagdiriwang natin ang dalawang malalaking Pista ng Panginoong HesuKristo. Sa mga unang linggo ng Enero, sa iba’t ibang sulok ng ating mga kapuluan ay pinagpupugayan ang Banal na Sanggol o ang Santo Niño. Ang pinakamalaking Pista ng Santo Niño ay makikita at mararanasan sa Kalibo, Aklan—ang bayan ng mga Ati na silang nagsimula ng Ati-Atihan na gumigising sa buong Kalibo. Maririnig ang mga tambol at pagsigaw ng “Viva Santo Niño”, habang sumasayaw ang kababaihang may dala-dalang imahe ng Santo Niño, kasabay ng libu-libong initiman at nakangiting mukha ng mga nagsasayawan na madla.
Samantala, ikalawang linggo naman ng Enero ang pagdiriwang ng Banal na Poong Nazareno sa Quiapo. At dito masasaksihan ang kakaibang dagat ng mananampalatayang-deboto nito. Magaganap sa paligid ng Simbahan ng Quiapo ang popular na Traslacion mula sa simbahan tungo sa Basilica Minore ng Simbahan ng Quiapo. Hindi lang daan-daang libong mananampalataya ang dumalo sa naturang Traslacion, bagkus ay parami pa nang parami ang mga deboto na dumadalo sa malaking kaganapan para sa mga kababayan nating Katoliko.
Noong Biyernes ng gabi, sa isang simbahan na ang patron ay ang Ina ng Laging Saklolo, sa Barangay Bahay Toro sa Project 8, Quezon City, naganap naman ang munting Traslacion. Inilipat mula sa “inang simbahan” (mother Church) tungo sa isa sa apat na kapilya na nasasakupan nito, ang matandang krus ng matandang simbahan. Ipinasan sa mga balikat ng mahigit 20 kalalakihan mula sa mayaman at mahirap na bahagi ng Parokya ang matandang krus. Hindi kalayuan ang pinaglipatan. Isang kilometro ang layo ng kapilaya na pinaglipatan ng krus. Hindi man ito kasing laki at tanda ng kilalang Poong Hesus Nazareno ng Quiapo, hindi matatawaran ang kabanalan at kadakilaan ng naturang karanasang para sa mga parokyano ng Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa Barangay Bahay Toro.
Lalo na’t matagal na naming pinag-uusapan ang patuloy na paggawa ng mga tulay na mag-uugnay sa mga “villages” ( pamayanan ng mga nakaaangat na parokyano) at “giledges” (pamayanan ng mga maralitang taga-lungsod). Nagsimula ang traslacion ng Lumang Krus sa “Holy Hour” at sinundan ng misa na natapos nang alas-6: 00 ng gabi. Nagdasal at nagpaalam ang mga parokyano sa pinakaunang krus na bahagi ng malaking simbahan.
Mabigat ang krus at kinailangan itong buhatin ng mahigit 10 kalalakihan. Halatang mabigat ang krus dahil hindi makapaglakad ng mabilis ang mga nagbubuhat nito. Kinailangang antabayan ang mga “seryales” (sakristang dala ang maliit na krus, na nasa dulo ng mahabang tangkay; tatlong kandelabra at ang kuliling na patuloy na ipinababatid ang paglapit ng traslacion. Inabot ito ng 30-minuto na paglalakad.
Alas-7: 00 ng gabi nang dumating ang krus na pasan ng kalalakihan ng Sitio Militar. Makabuluhan at banal ang sandali ng pagpasok ng krus sa kapilya ng Ina ng Laging Saklolo sa Sitio Militar. Naisagawa na ang lubhang matalinghagang pagkilos na umuugnay sa dalawang magkaibang pamayanan: ng mga nakaangat at salat sa kayamanan.
Ito’y kakaibang bayanihan na sa halip bahay-kubo ang sama-samang binuhat, krus ang tulung-tulong na pinasan ng lahat.





Comments