Bayad sa mga titser na duty sa eleksyon, ilibre na sa tax
@Editorial | April 30, 2022
Ilang araw bago ang makasaysayan at kontrobersiyal na Halalan 2022, patuloy ang panawagan na pagbigyan na ang hirit ng mga guro na magsisilbi sa araw na ito.
Hinikayat ang Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na mag-isip ng maaaring paraan para matanggap nang buo ng public school teachers ang bayad sa kanilang pagsisilbi sa eleksyon.
Una nang inihain ang Senate Bill No. 1193 na layong malibre sa buwis ang honoraria at allowances ng mga magsisilbi sa halalan.
Hanggang noong 2018 Barangay at Sangguniang Kabataan ay ‘tax free’ ang honoraria at allowances ng poll workers, bago ito pinatawan ng 5% withholding tax noong 2019 elections at ngayong papalapit na eleksyon ay 22% ang buwis.
Tutol naman ang DOF na gawing ‘tax free’ ang ‘poll duty pay’ sa katuwiran na ito ay kita at kailangan na patawan ng income tax.
Ang pahayag naman ng mga guro, parang nabalewala ang dagdag-honoraria at allowance dahil mapupunta lang din sa buwis.
Batid natin na hindi biro ang ginagampanan ng mga guro tuwing eleksyon, nakataya rin ang kanilang buhay lalo na sa mga lugar na may banta ng karahasan.
Nakasalalay din sa kanila ang pagpapanatili ng kaayusan at higit sa lahat ang pag-iingat sa mga balota mula sa botohan hanggang sa bilangan.
Kaya, kung may paraan naman at hindi kalabisan, pagbigyan na sana ang kanilang panawagan. Hindi naman araw-araw ay halalan, may pagkakataon pa naman para makabawi sa buwis.
Bagama't walang kapantay na anumang halaga ang paglilingkod para sa kapwa at bayan, ibigay pa rin natin ang nararapat para sa ating mga public servant.



Comments