Batas para sa wastong pagdidisiplina sa mga anak
- BULGAR
- Aug 2, 2023
- 1 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 2, 2023
Upang protektahan ang mga bata mula sa pisikal, nakakahiya, at nakakabahalang uri ng mga parusa, isang panukala ang inihain sa Kamara.
Isinusulong ang House Bill No. 1269 na inihain ni Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera-Dy, ang “positive and non-violent discipline.”
Sa datos ng World Health Organization (WHO), ipinapakita na tatlo sa mga bata at kabataan na may edad 5 hanggang 14 taong gulang ang nakararanas ng corporal punishment.
Dahil dito, naaapektuhan nito hindi lamang ang kanilang physical development kundi maging ang kanilang mental health, at academic performance.
Maaari rin umanong magresulta sa marahas na pag-uugali ang mga bata dahil dito.
Matatandaan noong 2019, ang parehong kapulungan ng Kongreso ay nagpasa ng pinagsama-samang bersyon ng iminungkahing batas ngunit ito ay na-veto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Umaasa naman ang mga mambabatas na maipapasa ang panukala sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Gayunman, sakaling maipasa ang panukalang ito, posibleng mawalan naman ng takot sa mga magulang ang mga bata, kung saan sa panahon ngayon ay mahirap na silang disiplinahin at hindi nag-aatubiling sumagot sa kanilang mga magulang.
Ang pagdidisiplina ay nag-uumpisa dapat sa bawat tahanan. Pero, paano ito magagawa ng mga magulang kung sa bawat pagdidisiplina nila sa kanilang mga anak ay maaari silang mapatawan ng parusa?
Marahil, ang mga mapang-abusong magulang dapat ang parusahan at hindi ang mga magulang na dinidisiplina lamang nang tama at nagnanais na mapabuti ang kanilang mga anak.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments