Baon sa utang dahil sa negosyo, dapat bumalik sa pagiging house wife
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | July 18, 2022

KATANUNGAN
Nakikita ba sa guhit ng palad kung ang isang tao ay makakabayad pa sa kanyang mga pagkakautang? May negosyo ako ngayon, pero baon naman ako sa utang at hindi na nakaahon, kaya wala ring nangyayari. Imbes na umunlad, lalo lang akong nababaon sa utang. May pag-asa pa bang umasenso ang aking negosyo o mas mabuting tigilan ko na ito at bumalik na lang ako sa pagiging house wife? Tutal, ‘yun din madalas sabihin ng mister ko na nasa abroad ngayon.
Sa totoo lang, nakalbo na sa Saudi ang asawa ko, pero hanggang ngayon ay wala pa rin kaming sariling bahay at lupa. Magkakaroon pa ba kami ng sariling tirahan kahit maliit lang, basta matawag na sarili talaga namin?
KASAGUTAN
Paano uunlad ang isang negosyong nanggaling sa utang ang puhunan? Isipin pang sa panahon ngayon, napakataas ng interes sa mga lending business? Kaya sa halip na na ‘yung nagnenegosyo ang umunlad, ‘yung lending business na inutangan ang yumayaman.
Kaya kahit pagbali-baliktarin mo ang pag-aanalisa, lalo na kung sobrang laki ng interes o tubo na binabayaran mo sa iyong mga pinagkakautangan, kahit anong pagtitipid pa ang gawin mo, malabo o hindi ka na makakaahon pa sa mga pagkakautang, lalo na sa panahong ito na sobrang taas ng presyo ng mga bilihin at patuloy na humihina ang piso kontra dolyar.
Malabo nang umunlad at makarekober ang kasalukuyan mong negosyo at malamang na hindi ka na rin makakaahon pa sa mga pagkakautang. Ito ang nais sabihin ng nahulog na Fate Line na tinatawag ding Career Line (Darwing A. at B. F-F arrow a.), na pinasama pa ng nahulog ding Business Line (Drawing A. at B. B-B arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Tanda na kung ikaw lang ang aasahan ng iyong pamilya para umunlad at makabili ng pangarap n’yong bahay at lupa, hindi mo ito magagawa. Sa halip, tulad ng nangyari at nangyayari sa hinaharap, lalo ka lang mababaon sa utang at sa bandang huli, kapag minalas-malas ay makakatanggap ka pa ng mga demand letters na posibleng humantong sa usaping panghukuman.
Hindi pa huli ang lahat, Elvira, kung wala kang suwerte sa negosyo, na kinumpirma ng birth date mong 27, dapat ay huminto ka na bago tuluyang lumala ang sitwasyon at pati ang nananahimik na mister mo sa abroad, gayundin ang maayos n’yo na sanang pamilya ay madamay pa sa pinasok mo.
MGA DAPAT GAWIN
Habang ayon sa iyong mga, Elvira, tama ang mister mo, tigilan mo na ang iyong negosyo dahil sa bandang huli, imbes na umunlad ay lalo lang kayong maghihirap.
Sa sandaling naitigil mo na ang mga palpak na negosyong pinasok mo, maghanap ka na lang isa sa mga anak mo na hindi nahulog ang Fate Line at Business Line (Drawing B-B arrow c. at d.) sa kaliwa at kanan niyang palad.
Siya ang pagnegosyohin mo at kung nagkataong Capricorn ang zodiac sign ng nasabing anak mo, siya ang yayaman at balang-araw ay tutupad sa malaon nang pangarap ng inyong pamilya na magkaroon kayo ng sariling bahay at lupa.




Comments