Baon sa utang at gusto na lang magtago, may pag-asa pang manalo sa lotto

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| December 16, 2020
Dear Maestro,
Isinilang ako noong November 13, 1978. Madalas akong makipagsapalaran sa lotto, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nananalo. Hihingi rin sana ako sa inyo ng masuwerteng numero. Kailangang-kailangan ko lang kasi ang malaking halaga ng salapi dahil baon ako sa utang, lalo na sa credit card at malapit na akong mademanda. Iniisip ko na ring magtago at magpakalayu-layo dahil may iba pa akong mga pinagkakautangan na kung sinu-sinong mga tao.
Umaasa,
Ms. Scorpio ng San Roque, San Isidro, Nueva Ecija
Dear Ms. Scorpio,
Ayon sa birth date mong 13 o 4, (ang 4 ay 1+3=4) sa destiny number na nagkataong 4 rin (11+13+1978=2002/ 20+02=22/ 2+22=4), ikaw ay likas na mapalad sa lahat ng numerong may sumatotal na 1, 7 at 4, tulad ng 1, 10, 19, 28, 37, 16, 15, 34, 43, 13, 22, 31, 40, 49 at iba pang kauri nito.
Bukod sa nasabing mga numero, suwerte ka rin sa kulay na dilaw at pula. Ang dilaw ay para sa birth date at destiny number mong 4, habang ang pula naman ay para sa zodiac sign mong Scorpio na may ruling planet na Mars.
Palagi kang magsuot ng nasabing mga kulay sa tuwing ikaw ay makikipagsapalaran upang mas madali mong mahigop ang suwerte at magagandang kapalaran.
Ang pinakamapalad mo namang panahon ay mula sa ika-20 ng Hunyo hanggang sa ika-25 ng Hulyo, mula sa ika-20 ng Oktubre hanggang sa ika-25 ng Nobyembre at mula sa ika-20 ng Pebrero hanggang sa ika-25 ng Marso.
Magsisilbi namang panghatak ng suwerte at pantaboy ng kamalasan ang batong topaz na ipalalamuti sa gintong singsing.
Bukod sa nasabing mga numero sa itaas, puwede mo ring subukan ang 1, 18, 23, 27, 31 at 40, gayundin ang numerong 7, 15, 26, 28, 32 at 41. Maaari ka ring humugot ng kumbinasyon mula sa Cabalistic of Knowledge, 182/ 642/ 449/ 905.
Upang makasigurado ng malaking panalo, maghanap ka ng lotto outlet na nakapuwesto malapit sa isang lumang bahay, maaaring bahay noong panahon ng Kastila o Amerikano. Ang nasabing lotto outlet ang magpapatama sa iyo ng malaking halaga sa taong 2022 sa edad mong 44 pataas.




Comments